NAGTATAKA tayo sa tayming ng pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay ng flood control corruption. Nitong Lunes, sinabi niya na naghahanda pa lamang sila ng mga kasong isasampa laban sa mga umano’y sangkot sa anomalya. Ibig sabihin pala, wala pang pormal na kaso sa ngayon? Kung matibay ang ebidensya, hindi dapat ipangalandakan. Karaniwan, tahimik itong inihahain sa korte at hindi inuuna sa media exposure.
Isa pang malabo ay ang alegasyong sabwatan ng ilang personalidad. Paano nasabing nagkaisa sina Senator Chiz Escudero at dating Speaker Martin Romualdez, gayong si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagbunyag ng mga isyu laban sa dating lider ng Kamara?
Si Escudero rin ang nag-ulat kay Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa flood control insertions. Sa Senado, paulit-ulit siya sa pagtatanong kung bakit inuuna ang flood control kaysa agrikultura. Kaya tila hindi tugma ang paratang. Sa katunayan, si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagsiwalat sa dating Speaker bilang nasa likod ng anomalya.
Bakit nadamay si Escudero, samantalang si Romualdez lang ang inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure at ni DPWH Secretary Vince Dizon na kasuhan ng plunder?
At saka, hindi ba’t mga kongresistang malapit sa liderato ni Romualdez ang isinasangkot na nakinabang sa anomalya? Doon nagmula ang insertions at doon din umikot ang pondo, hindi sa Senado.
Wala ring matibay na ebidensya na personal na nakinabang si Escudero. Walang property trail o biglaang yaman. Samantalang si Romualdez, nalantad ang lawak ng ari-arian at impluwensya, kabilang ang tungkol sa kanyang mga property sa ibang bansa at sa Forbes Park.
Kung sinasabing may problema na ang budget mula pa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, bakit hindi kasama si Senator Juan Miguel Zubiri sa imbestigasyon? Tumindi ang ghost insertions noong 2023 at 2024 kung kailan siya pa ang Senate President?
Kaduda-duda ang pasabog ni Remulla kung ihahambing sa mga aktwal na pangyayari. Hindi kaya may halo itong pulitika, lalo’t noong December 2025 ay binanggit mismo ng kapatid niyang si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, ang pangalan ni Chiz bilang posibleng katunggali sa 2028 presidential elections? Aba’y ang aga naman ng maruming pulitika.






