MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Sen. Erwin Tulfo ang kahandaan ng bansa sa posibleng insidenteng nuklear sa pagdinig ng Komite sa Ugnayang Panlabas noong Marso 5, 2026, partikular ang mga pagsasanay, protokol, at emergency procedures sa ilalim ng bagong national radiological emergency response plan.
Tinanong niya kung may konkretong training at manual na nakahanda para gabayan ang mga ahensya ng gobyerno at publiko sa oras ng nuclear-related na sakuna.
“Ano ang mga pagsasanay at paghahanda na isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council alinsunod sa planong ito? … Mayroon na ba tayong mga protokol o manwal kung ano ang gagawin?” ani Tulfo.
Sumagot si Atty. Rafael Ricalde ng Office of Civil Defense na pinapino pa nila ang mga training program sa ilalim ng Civil Defense Training framework upang mapalakas ang disaster preparedness, emergency coordination, at community resilience.
Ayon sa kanya, inaasahang matatapos ang mga plano sa loob ng taon at posibleng maipatupad sa 2027, kasabay ng pagsasanay para sa mga LGU, responders, at partner agencies.
Kinuwestyon din ni Tulfo ang timeline kung ito ba ay sapat na mabilis, at binigyang-diin na ang nuclear emergencies ay mas komplikado kumpara sa karaniwang disaster drills tulad ng lindol, at nangangailangan ng mas espesyal na kagamitan at mas malalim na paghahanda. CESAR MORALES