Home OPINION KAHIRAPAN, ‘DI HADLANG SA PAG-ASENSO

KAHIRAPAN, ‘DI HADLANG SA PAG-ASENSO

IKA nga ng kasabihan – may gulong ang buhay, kung minsan ay nasa ibabaw at minsan naman ay sa ilalim. At klasikong halimbawa ay ang aking kaibiga’t kumpareng si Rodolfo ‘Boy’ Guevara, 66.

Ang ating bida ay isang maliit na magsasaka at ang kanyang misis ay isang mananahi kaya’t kung ituring ang mag-asawang ito mula sa liblib na Barrio ng San Andres, San Jose City sa Nueva Ecija ay ‘isang kahig isang tuka’.

Kung noon ay barong barong ang tinutukuyan, ngayon ay nagbibilang ng magagarang tahanan si Pareng Boy na ipinagawa ng mga anak – lahat ay propesyonal at may maaayos na pinagkakakitaan.

Isang pangkaraniwang magsasaka lamang noon, naikuwento nga nito na  ayaw nang balikan ang alaala ng  dekada 80’s dahil ito ang panahon na dumating sa kanya ang matinding pagsubok para maitaguyod ang pamilya.

Aniya, walang pinipiling oras sa pagtatrabaho na kahit dis-oras ng gabi ay hawak ang araro at suyod sa kagustuhang matapos agad ang gawain para magamit pa ang ibang oras sa pag-aalaga naman ng  iba’t ibang hayop.

Kasama ang may bahay sa mga gawain,  hindi  alintana  ng ating bida ang pagod sa pagsasaka’t pag-aalaga ng baka, kalabaw, baboy at kung ano-ano pang hayop na handang ibenta para sa gastusin ng limang nag-aaral na mga anak.

Nang magkolehiyo ang mga supling, ang pagsasaka at pag-aalaga ng hayop ay kulang na kulang kaya kailangang dumiskarte si misis – suma-sideline ito ng pananahi.

Kung noo’y hindi makausap si Pareng Boy dahil tutok sa trabaho, ngayo’y hayahay, game na game ito na kahit pa 24/7  magkwentuhan tulad nang nangyari sa amin noong ako’y dumalaw kamakailan.

Hindi na rin sa kubo nakatira, kundi sa  isa sa ilang mansion na ipinatayo ng mga anak  na sina Sonny na  inhenyero sa Saudi; Cherry na isang guro; Eduardo, seaman; Connie na nagtratrabaho sa Kuwait at Gerald na matagumpay na  HRM graduate.

Dahil sa pambihirang life achievement na ito, si Rodolfo ‘Boy’ Guevara ay patunay na  hindi hadlang ang kahirapan para umasenso’t maabot ang mga pangarap sa buhay.