Home OPINION DOLE AT DSWD MAGKAAGAPAY MAIBSAN ANG EPEKTO  NG EL NIÑO AT LA...

DOLE AT DSWD MAGKAAGAPAY MAIBSAN ANG EPEKTO  NG EL NIÑO AT LA NIÑA

Bilang pagtugon sa mga epekto ng El Niño at La Niña gamit ang whole-of-nation-approach, ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magtutulungan para pagtuunan ng pansin ang kakulangan ng tubig at seguridad sa pagkain na nararanasan ng mga apektadong komunidad.

Pinagtibay ng dalawang ahensya ang pagtutulungan sa pa­mamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) nitong Mayo 31, 2024, para sa magkaagapay na pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE at Project LAWA at BINHI o Local Adaptation to Water Access and Breaking Insuffi­ciency through Nutritious Harvest for the Impoverished Project ng DSWD.

Ang TUPAD ay isang programa ng DOLE na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga naghahanap o nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng mga proyekto ng pamahalaan para sa mga apektadong komunidad, mga dinaanan ng kalamidad at mga proyektong pangrehabilitasyon.

Samantala, ang Project LAWA at BINHI ay magpapatupad ng iba’t ibang proyektong pang-imprastrakturang pamahalaan para sa patubig gaya ng rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga tubig-imbakan ng mga sakahan, mga pasilidad sa pag-aani at pag-iimbak nito, at mga programang pangsakahan at pagta­tanim ng gulay at ibang uri ng pananim sa komunidad.

Bilang kolaborasyon, ang TUPAD ng DOLE ang magpa­pasweldo sa mga magtatrabaho base sa rekomendasyon ng local government units. Kabilang sa mga makikinabang ng mga nasabing programa ang mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang indibidwal na apektado ng kalamidad. Sila ay bibigyan ng pasahod batay sa pinakamataas na minimum wage sa kani­lang rehiyon. Bukod dito, mayroong micro-insurance at perso­nal protective equipment o PPE na ipagkakaloob sa mga benepisyaryo habang nagtatrabaho, at oryentasyon para sa kaligtasan at kalusugan bago magsimula.

Ang nasabing convergence program ng DOLE at DSWD ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na ipatupad ang isang whole-of-nation-approach na naglalayong maibsan ang epekto ng El Niño at La Niña sa kabuhayan ng mga manggagawa lalong-lalo na ng mga vulnerable at marginalized individuals.