SA kabila ng watak na Senado sa mga araw na ito, mabuting naisipan ng magkabilang panig na unahin kahit sa ilang araw lamang ng mga senador ang magbigay ng atensyon at pagkilos para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Pareho sina Senate President Alan Peter Cayetano at umano’y Acting Senate President Win Gatchalian na kalimutan kahit pansamantala ang kanilang mga sigalot sa agawan sa kapangyarihan at magkonsentreyt sa pagtulong sa mga biktima.
Sana, maging ang pagpapalabas ng pondo mula sa Senado bilang tulong sa mga biktima ay hindi nila pag-aawayan dahil problema rito ang pag-uutos para rito at pagpirma sa mga papeles sa pagpapalabas ng pondo.
Pero ang malinaw, kanya-kanyang grupo ang pagkilos ng magkabilang panig para umasiste sa mga biktima at ang mga tulong ay tiyak may manggagaling din sa kanilang sari-sariling bulsa.
Batay sa mga isinumite nilang Statement of Assets, Liabilities and Networth, pawang milyonaryo ang mga ito kaya tiyak na dudukot sila sa sari-sarili nilang bulsa rin na pantulong sa mga biktima at mga kumikilos na rin para sa search and rescue at iba pang mga aktibidad gaya ng pag-alalay sa mga namatayan, pagliligtas sa kamatayan, pagpapagamot sa mga nasugatan, pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapainom sa mga nauuhaw at pagbibigay ng maayos na kalagayan sa mga nawalang ng tahanan at hanapbuhay at maraming iba pa.
Ano-ano naman kaya ang balita mula sa mga kongresman?
Kumikilos din kaya para tumulong sa mga biktima ng kalamidad ang 17 kongresman at 150 iba pang kasalukuyan at ex-congressman na nais pangalanan ni Curlee Discaya na umano’y nakinabang sa mga kailigalan sa flood control scandal at iba pang mga proyekto?
Ang mga taga-Mindanao na kongresmen, korap man o hindi, hindi nila maiiwasan ang tumulong.
Pero ang iba na wala sa mga lugar ng kalamidad ngunit nagpayaman sa pwesto sa mga iligal at substandard na mga proyekto, tutulong kaya?






