NOONG mga nakaraang linggo, mistulang nalubog sa intriga at bangayan ang Senado. May agawan sa liderato, magkakasalungat na kautusan at kalituhan kung sino ang dapat sundin.
Sa halip na pagtuunan ng pansin ang trabaho ng institusyon, tila mas naging sentro ng usapan kung sino ang papanigan sa tunggalian ng mga kampo.
Sa gitna nito, maraming nagulat kung bakit nagpasya si Senator Chiz Escudero na dumalo sa plenaryo.
Para sa ilan, pagpanig ito sa isang grupo. Pero para kay Chiz, mas importanteng tanong ang isang bagay. Paano makagagalaw muli ang Senado?
Sa kanyang podcast na “Chiz Whiz,” ipinaliwanag niya kung bakit siya kumilos.
“Nagpasya ako na itigil na ‘yong kawalan ng sesyon sa Senado. Nagpasya ako na hindi pwede magpatuloy na walang sesyon ang Senado,” aniya.
Mahirap balewalain ang punto niyang ito. Kung walang sesyon, paano nga naman uusad ang mga panukalang batas? Paano magagampanan ng Senado ang tungkulin nito? Hindi naman maaaring manatiling nakatigil ang isang importanteng institusyon dahil lamang sa pulitika.
Aminin, madalas nating tingnan ang bawat kilos ng isang politiko bilang bahagi ng mas malaking laro ng kapangyarihan. Kapag may ginawa, may pinapanigan. Kapag hindi sumunod sa inaasahan ng isang grupo, agad na tinatawag na taksil o hudas.
Pero sinabi ni Chiz na hindi siya nagpasya dahil sa takot sa magiging reaksyon ng iba.
Ginawa lamang niya ang tingin niya’y tama, anoman ang paksyon o grupo na kinabibilangan.
Nakipag-usap siya sa magkabilang panig at sinikap na hikayatin ang lahat na unahin ang interes ng Senado.
Ngunit sa huli, kailangan niyang panindigan ang kanyang paniniwala kung ano ang tama at nararapat.
Hindi naman kailangang sang-ayunan ng lahat ang kanyang naging desisyon. Bahagi iyon ng demokrasya.
Ngunit mahirap ding itanggi na ang kanyang pagdalo sa plenaryo ang naging daan upang muling makapagpatuloy ang sesyon at makabalik sa trabaho ang Senado.
Darating at lilipas ang mga paksyon, lider, at sigalot sa pulitika. Ngunit ang Senado ay mananatiling mahalagang haligi ng ating demokrasya. At sa mga panahong nalalagay ito sa alanganin, ang kapakanan mito ang dapat manaig kaysa sa interes ng anomang kampo.






