GRABE ang naganap na lindol sa Mindanao.
Kapareho ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ang magnitude 7.8 na lindol sa Baguio City-Cabanatuan City noong Hulyo 16, 1990.
Sa lindol noong 1990, may may 1,621 namatay, 3,513 nasugatan, 321 missing at 126,035 nawalan ng tahanan.
Marami sa bilang ng mga namatay ang mga estudyante sa isang iskul sa Cabanatuan City at mga iskul sa Baguio City lalo’t naganap ito dakong alas-4:20 ng hapon at nagtuloy-tuloy ang mga aftershock pagkatapos nito.
Marami rin ang namatay sa mga matataas na gusali na may maraming tao gaya ng mga hotel.
Sa Mindanao, mabilis ang pagdami ng natatagpuang mga nasawi at nasusugatan at maaaring magkakaroon din ng mga missing.
Malalaman sa mga susunod na araw ang bilang ng lahat ng ito lalo’t napakarami rin talaga ang mga gumuho o nasirang gusali, pribado man o pampubliko, kasama na ang nasa 6,000 na eskwela.
Mabuti na lang at hindi masyadong lumakas din ang tsunami sa mga tabing-dagat at tumigil din ito makaraan ang ilang oras.
TABANG MINDANAO
Lahat na ng ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Office of the Vice President, ay kumikilos na para tulungan unang-una ang mga natagpuang pamilyang namatayan at may nasugatan, kasama na ang preparasyon sa paglilibing at paggagamot.
Ang mga biglang dinapuan ng mga gutom, uhaw, takot at iba pa, kahit papaano, nahahatiran na ng mga pagkain, gamot at pakikiisa ng bilang mga panimulang hakbang.
Ang mga quick response fund ng lahat ng lokal na pamahalaan at nasyunal, iniutos nang gamitin para sa lahat ng apektado, kabilang na ang pagtatayo ng mga evacuation area at iba pang ligtas na lugar lalo’t may mga aftershock pa.
Kasabay nito ang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan na may mga makinarya upang kalkalin ang mga natabunan ng mga gumuhong gusali, kasama ang mga natabunan din ng mga landslide…kung meron man at iligtas ang sinomang matatagpuang buhay sa mga ito.
IBANG MGA TULONG
Marami na ang kumikilos ding iba upang tumulong sa mga namatayan, nasugatan, search and rescue at paghahanap ng mga ligtas na lugar sa mga evacuee lalo’t libo-libong bahay, ekwela at istruktura ang nagiba o nasira na hindi basta pupwedeng balikan.
Kasama sa mga naghahanda o aktibo nang tumutulong ang mga civic o charitable organization o iba pang organisasyon.
Naririyan na ang Lions Clubs sa lugar, Rotary Clubs, media groups, Philippine Red Cross, Caritas ng Simbahang Katolika, Lingap sa Mamamayan ng Iglesia ni Cristo at iba pa.
May mga ibang bansa na ring nakikiisa at magpapadala rin ng tulong habang ang kanilang mga lokal na mga organisasyon o ahensyang pampamahalaan gaya ng mga embahada ay naghahanda o aktuwal nang tumutulong.
Kabilang dito ang China, Japan, United States, Australia, Canada at iba pa.
Kung may mga hindi alam kung paano magpaabot ng tulong at hindi maliligaw ang mga ipaaabot nila, pwede silang makipag-ugnayan sa mga nabanggit nang clubs o organisasyon o ahensya.
Sana walang magtangkang magbulsa, magtago, mandaya at magsamantala sa lahat ng bagay sa Tabang Mindanao ngayong oras ng kalamidad.






