
NAGDEKLARA ang Washington na buhos o “all-in” na sila sa pagbibigay at paglalatag ng seguridad para sa Asia-Pacific region kung saan malawak na ang kanilang alyansa para masigurong ‘di maaagrabiyado nang patuloy na pagpapalakas ng postura ng China sa rehiyon.
Bakit naman ‘all-in’ at malawak na network ang ipinagmamalaki ng Amerika? Eh, kasi naman, mula Japan hanggang Australia, may pakikipag-ugnayan na ang Estados Unidos na mahigpit na bantayan ang region, sa.pamamagitan nang pagsasagawa ng ‘joint military exercises’ at regular na paglalayag ng kani-kanilang mga barkong pandigmaan. Hindi lamang mga warship kundi pati ang paglipad ng fighter jets sa Taiwan Strait at West Philippine Sea na ikinapipikon na ng China.
Pikon talo ang diskarteng ito. Parang paglalaro ng poker, kapag napikon ka, matatalo ka sigurado. Dahil all-in nang all-in ang magkakaalyadong bansa.
All-in na ibig sabihin ay todo na. ‘Yan ang babala ng US na talagang nakataya sa seguridad ng Asia-Pacific region.
Sabi pa ni US Defense Secretary Lloyd Austin nang dumalo sa Shangri-La Dialogue, sa Singapore, kasama ang ating Pangulong Bong Bong Marcos at iba pang mga lider ng bansa, pangunahin nilang adhikain ang mapanatag ang Asia-Pacific region.
Walang poporma, ika nga. Dahil ang sabi ni Austin, protektado ang Amerika, kung protektado ang Asia. Kaya ‘all-in’ na sila rito.
Si PBBM naman ay ganoon din ang pahayag. Mahalaga raw ang pagtayang ito ng US sa region upang kumalma ang lahat.
Aniya, kaibigan natin pareho ang US at China. Ang kanilang hangarin na mapanatag ang rehiyon ay ating adhikain din. Ngunit kung may panglalamang na magaganap, maaari na tayo ay tumaya na rin ng all-in.
Paliwanag pa ng Pangulo, mayroon din tayong kasunduan sa Amerika na tinatawag na Mutual Defense Treaty.
Kasangga, ika nga. Sa Shangri-La Dialogue na iyon, ipinagdiinan ni PBBM na maituturing na “act of war” kapag may nawalang buhay ng ating mga sundalo, o mamayang mangingisda sa lugar.
Ito aniya, ang magtutulak na paganahin ang MDT.
Mag-all-in naman kaya ang US, kapag may ganyan nang sitwasyon?