
KUNG may sektor ng ating lipunan na hindi masyadong nabibigyan ng anomang tulong,’yan ay ang Indigenous People o mga katutubong sila naman ang orihinal na ninuno natin batay sa kasaysayan ng ating bansa.
Kabilang dito ang Aetas o Ita kung tawagin ng mga kababayan natin na unang nanirahan sa kasulok-sulukan ng ‘Pinas bago pa man dumating ang ibang banyaga at mga dayuhang nanakop sa atin at sinimulan ang sibilisasyon dito.
Sa totoo lang, sila ‘yung grupo ng sinaunang tao rito na gumamit nang wasto at makakalikasang pagtatanim ng iba’t-ibang uri ng root crops na itinuturing na staple food ng taumbayan bago pa man ang bigas.
Bagaman pangangaso ang naging pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mga Aeta dahil sa palipat-lipat sila ng lugar subalit natuto rin silang magtanim kapag nakakahanap ng permanenteng tirahan.
Minsan tayong bumisita sa mga katutubong ito sa bayan ng Paracale sa Camarines Norte kasama ang isang beterano at kilalang mamamahayag na nagsusulat sa mga International at National News outlet na may taos-pusong nagsusulong ng pagkalinga sa mga katutubo hindi lang sa Kabikolan maging sa ilang lugar sa bansa.
Namigay tayo ng foodpacks at family kits sa mga pamilya ng Aeta katuwang si Mayor Romeo Moreno at Disaster team ng DSWD Bicol para maibsan ang epekto ng kuwaresma sa kanilang karamihan ay magsasaka at trabahador ng ilang niyugan sa lugar na pag-aari ng mayayamang residente roon.
Sa ating pakikisalamuha sa mga katutubo, taglay pa rin nito ang orihinal na angking pisikal na anyong maliliit, maiitim at kulot ang buhok ngunit malalakas ang paninindigang naging sandalan sa araw-araw na hamon ng buhay.
Nasaksihan din natin sa araw na ‘yun ang graduation ceremony ng kauna-unahan at nag-iisang katutubong eskwelahan sa Bikol kung saan magkakasabay na nagtapos sa elementarya ang mga estudyanteng Aeta at ilang nanay nila.
Nakaaantig ng pusong panoorin ang kalagayan ng ating mga orihinal na ninunong mistulang pinag-iwanan ng panahon bunsod sa mahihirap na kababayan lang na tulad natin ang kadalasan ay napapansin ng gobyerno.
Kaya naman kaisa ng direktiba ng pamunuan ngayon ng ahensya na tulungan ang mga katutubo sa bansa sa pamamagitan ng pagkalinga sa kanila upang maitawid sa hirap ng buhay at mabigyan ng tamang edukasyon ang mga pamilyang ito upang maiahon sa kinasasadlakang kalagayan.