
“DIBORSYO mas gusto habang tumatanda!,” sabi ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Station ukol sa diborsyo.
Akalain mo, sa 1,600 na tinanong kung pwedeng magdiborsyo ang naghiwalay nang mag-asawa at wala nang pag-asang magkabalikan pa, 33 porsyento rito ang nagsabing aprub sila at mula ito sa bibig ng pinakamatatanda sa sarbey.
Sa 1,600 katao na ‘yan na naglalayong isalarawan ang paniniwala o kaisipan ng buong mahigit na 100 milyon Pinoy, pinakamalaki ang 33% na boto mula sa edad 55 pataas kumpara sa iba na 12% mula sa edad na 18-24, 16% mula sa edad 25-34, 22% mula sa edad 35-44, at 17% mula sa 45 to 54 years old.
Bakit kaya na ang malapit nang mag-senior citizen at senior citizen mismo ay sila pa ang may gustong magdiborsyo na lang ang mag-asawang hiwalay na at wala nang pag-asang magkabalikan pa?
Pero may nilinaw rito ang sarbey at sinasabing pinakamarami ang pabor sa diborsyo mula sa mga live-in partner at sumunod na rito ang mga balo o hiwalay na babae, lalaki at babae na hindi ikinasal, balo o hiwalay na lalaki, kasal na babae at lalaki.
Pero batay sa edukasyon, pinakamaliit o 10% lang ang aprub sa diborsyo mula sa mga nakatapos ng kolehiyo at mas mataas na pag-aaral at pinakamarami mula sa mga nakatapos ng junior high school at bokasyonal – 28% at sumunod dito ang nakatapos sa elementarya at nakatuntong sa high school – 25%, nakatapos ng bokasyonal o nakatuntong sa kolehiyo – 21%, at nakapasok sa elementarya – 12%.
Sa relihiyon, kaunti lang ang pabor sa diborsyo mula sa mga miyembro ng Iglesia ni Kristo habang marami ang oks mula sa mga Kristiyano, Katoliko at Muslim.
Kung ikaw ang tatanungin, masugid naming mambabasa sa pitak na ito, nasaan ka sa isyu ng diborsyo?