Home OPINION MAGPAPALAKA KUMIKITA, MAGSASAKA GUMAGASTOS

MAGPAPALAKA KUMIKITA, MAGSASAKA GUMAGASTOS

TALAGA namang nagsimula na ang tag-ulan.

Sa panahong ito, may mga kumikita ng malaki habang may gumagastos naman ng malaki rin.

Mabuti kung kumikita nang malaki ang gumagastos din ng malaki para naman gumaan-gaan ang pasanin nito.

MGA MAGPAPALAKA

Sa mga lalawigan, mga Bro, may mga gumagala sa mga bukirin o palayan na nanghuhuli ng mga palaka.

Sa mga bukirin o palayang malapit sa mga sentrong lungsod gaya ng Metro Manila, mga obrero, jeepney at traysikel driver ang nakaiisip na mamalaka.

Sa mga lalawigan at bayang agrikultural, mga magsasaka at mangingisda ang karaniwang nakikitang namamalaka.

Sa isang gabi, alam ba ninyong nakahuhui ang dalawang tao ng nasa 30 hanggang 50 kilo?

Sa mga lalawigan, magandang presyo na ang P100 kada kilo ng dressed o nabalatan nang palaka.

Pero sa mga lugar na malalapit sa Metro Manila, nasa P150 ang isang kilo.

Kung mabenta mo lahat ang 50 kilo sa halagang P100, kikita ka ng P5,000 pero kung sa halagang P150, siyempre, P7,500.

Maliit lang naman ang gastos dahil pupwede kang bumili ng flashlight na karaniwang nasa P150 ang halaga, pwera ang baterya.

May mga gumagamit din ng ilaw gamit ang baterya ng motorsiklo na mahigit P1,000 ang halaga.

Sulit na sulit ang pagpupuyat, sa totoo lang.

Sa parte ng magsasaka, makababawi siya ng gastos sa pagbubungkal ng traktora sa lupa o pagtawag ng bayanihan ng 8 katao para sa pag-aararo gamit ang kalabaw para sa isang ektarya.

Ang malaking pagkakaiba ng mamamalaka at magsasaka ay marami.

Tuloy-tuloy ang kita ng mamamalaka, basta may ulan pero ang magsasaka, nasisiraan siya ng produksyon.

Ang palay, katatanim man o hindi, ‘pag nilunod ng baha sa loob ng 3-4 araw, sira na lahat, pero ang mamamalaka, puyat lang ang kanyang kalaban at nagpapahinga lamang siya.

Wala nga lang palaka sa tag-araw na may pagsasaka sa mga may patubig o irigasyon na lugar.

Walang hanapbuhay si mamamalaka kundi mangisda o sumama kay magsasaka sa produksyon ng palay sa anyo ng pagpupunla, pagtatanim, pag-aararo, pag-aani at pagdadala ng ani sa mga palengke.

GULAYAN PINAPATAY NG TUPAD

Maganda ang layunin ng “Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers’ Program” o TUPAD.

Halimbawa, ang paglilinis sa mga gilid ng kalsada, kasama ang pagdadamo, maging sa mga bakod-bakod.

Pero alam ba ninyong sa maraming lugar, mga kangkong at kamote, saluyot, alogbati at iba pang gulay ang tumutubo sa gilid ng kalsada at mga bakod-bakod?

Pinagkukunan ng mga residente sa paligid ang mga nasabing gulay at libre pa.

Pero binubunot at tinitigpas ng mga sumasali sa TUPAD ang mga ito at matagal bago tumubo muli ang mga halamang ito na nangangahulugang matagal ding makalibre ng masusustansyang gulay ang mga residente.

Kumikita naman ang mga sumasali sa TUPAD na ang misyon ay linisin ang kapaligiran laban sa basura, pagmumulan ng mga lamok na may dengue at iba pa.

Gayunman, marami ngayon sa palengke ang mga talbos ng kamote, kangkong, saluyot, alogbati at iba pa dahil naman sa pagsisimula ng tag-ulan at lalong darami ang mga ito sa mga araw na tuloy-tuloy na ang ulan.

At dahil marami, medyo apordabol ngayon ng presyo ng mga ito.

Kaya lang, lumiit ang bilang ng mga tangkay ng mga ito na ibinebenta sa palengke gaya ng mula sa dating 12 tangkay sa isang tali sa laste, ngayon 10 o 8 na lang sa halagang P10 na dati ay P20.

Ang buhay-Pinoy nga naman!