Home OPINION KAHIT KONTI LANG

KAHIT KONTI LANG

NAKARANAS  ng social media bashing si Mariel Rodriguez-Padilla dahil sa pag-post ng mga litrato n’ya habang gumagamit ng intravenous drip na umanoy glutathione at iba pang vitamins. Ang medyo off kasi ay sa loob ng opisina ng kanyang asawa ang litrato, na kitang-kita ang sagisag ng Senado ng Pilipinas at nasa likuran pa ang kanyang asawang si Sen. Robin Padilla.

Reaksyon ni Mariel ay wala naman daw siyang inapakan o inagrabyado sa pag-post ng picture n’yang iyon. Dagdag naman ni Sen. Padilla, natatawa na lang sy’a sa mga reaksyon ng mga tao dahil wala naman daw silang masamang intensyon sa litrato at humihingi din sila ng paumanhin.

Pabor ako sa pagpuna ni Sen. Nancy Binay sa kaganapang ito, na parang meron hindi tama sa paggamit ng opisina ng isang senador para sa isang pribadong gawain ng isang kapamilya o kamag-anak.

Una, parang hindi nabalitaan ng actress at ng senador  na nagbabala na ang Department of Health na maaring delikado ang paggamit ng IV drip dahil sa posibleng side-effects nito. Dagdag pa ng DOH, illegal at “off-label” ang pagbibigay ng IV drip kung ang intensyon lang naman ay pagpapaputi at pagpapakinis ng balat.

Pangalawa, parang nagamit sa pansarling interes ang opisina ng isang pampublikong opisyal para ma-endorso ang isang produkto. Dapat ay linawin ni Mrs. Padilla kung ini-endorso n’ya ang produkto o ang clinic na nagbibigay nito. Kundi man, parang nalabag na rin ang tamang gawi o ethics ng isang kamag-anak ng isang halal na opisyal sa gawaing ganito.

Panghuli, inaasahan ng mga Pilipino na ang kanilang mga lider ay seseryosohin ang kanilang mga trabaho, lalo na nga kung ikaw ay mambabatas sa Senado. Sa panahon na ambibigat ng mga debate tungkol sa katiwalian, sa Charter change, ang pagpasok ng International Criminal Court o ICC at sa gusot sa West Phlippine Sea, parang mas nabigyan agad ng pansin ni Padilla ang negatibong reaksyon ng netizens.

Konting delikadeza lang naman! 

Previous article‘KA TONYO’ NG DOLE TAGILID SA PERFORMANCE REVIEW?
Next article4 patay sa sunog sa Las Piñas