Home NATIONWIDE Kakarampot na dagdag-sahod sa labas ng NCR nagbabadya

Kakarampot na dagdag-sahod sa labas ng NCR nagbabadya

SINABI ng National Wage Coalition noong Miyerkules na maaaring mas mababa ang pagtaas ng sahod sa labas ng National Capital Region (NCR) kaysa sa inaprubahang P35 para sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Nabatid na ang mga manggagawa sa NCR ay makakakuha ng P35 araw-araw na minimum wage hike

Kaugnay nito ang mga grupo ng manggagawa sa koalisyon ay nagsagawa ng press conference sa Quezon City upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa “kakarampot” na pagtaas ng sahod na inaprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.

Sinabi ni Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis na gagamiting batayan ang inaprubahang pagtaas sa NCR sa pagtatakda ng minimum wage sa ibang rehiyon kahit na magsampa ng mga petisyon na mas mataas sa P35 ang sahod.

“Base sa karanasan, mas maliit ang kaya nilang ipasa sa mga rehiyon at nakakalungkot, maliit na nga, hinahati pa sa mga tranches. Barya na nga lang, pagdating sa mga region, binabarya pa lalo. Kitang-kita ‘yung kawalang respeto, walang pagkilala doon sa pagkakaroon ng ambag ng mga manggagawa,” sabi ni Adonis.

Bunsod nito dahil sa pagtaas ng sahod sa NCR ay itinakda na mas mababa kaysa sa halagang hinihiling sa mga petisyon sa sahod, maaaring itulak ng ibang Regional Wage Board ang pagpapasya sa bagong minimum na sahod sa kanilang mga lugar ayon sa Federation of Free Workers.

“Hindi under pressure itong ibang wage boards to give increases now kasi ang panghahawakan nila ‘yong anibersaryo ng mga wage orders noong mga nakaraang taon. Therefore, it gives them much leverage na i-dribble ang wage petitions hanggang hindi sila magbigay,” ayon kay FFW Vice President Julius Cainglet.

Kaugnay nito binatikos ng NCW ang RTWPB at nanawagan para sa pag-abolish nito dahil sa umano’y pagpabor sa mga negosyo sa kamakailang wage order.

Binanggit ng wage order na ang mga manggagawa ay “karapat-dapat sa kanilang patas na bahagi sa paglago ng ekonomiya” at ang mga negosyo ay pinapayagan din na magkaroon ng “makatwirang kita sa kanilang mga pamumuhunan at sa pagpapalawak at paglago.” Santi Celario