Home NATIONWIDE Palit-liderato sa DepEd walang epekto sa paghahanda sa pasukan

Palit-liderato sa DepEd walang epekto sa paghahanda sa pasukan

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na hindi maaapektuhan ang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hulyo 29 sa pagbabago ng pamunuan ng ahensya.

Kasunod ito ng anunsyo ng Malacañang na si Sen. Sonny Angara ang napiling pumalit kay Vice President Sara Duterte bilang Education Secretary kapag ang pagbibitiw ng huli ay naging epektibo sa Hulyo 19.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Poa na nagsimula na ang enrollment activities, gayundin ang iba pang paghahanda para sa pagbubukas ng school year.

“Ang mangyayari is basically, we are preparing everything para pag-upo po ng incoming secretary ay hindi na siya mahihirapan, na smooth na. Of course, without prejudice doon sa direction na ise-set niya, but at least pagdating sa school opening, pine-prepare na po natin lahat para maging seamless po ang transition,” sabi ni Poa sa media.

Sinabi ni Poa na isang inter-agency meeting ang isinagawa noong Miyerkules upang magplano para sa “Brigada Eskwela,” o ang taunang programa sa pagpapanatili ng mga paaralan sa buong bansa na umaakit sa lahat ng stakeholder ng edukasyon.

Ang kaganapan ay pansamantalang naka-iskedyul sa Hulyo 17.

“Kasama natin doon ang ating partner agencies of course, the DPWH, DTI, DILG, of course and others pa. Marami po iyan, it is the whole of government approach pagdating sa opening of classes every year, so isinagawa na natin iyan, ” sinabi niya.

Samantala, para sa maayos na paglipat ng pamunuan, tinatapos na rin ng DepEd ang ilang mga ulat na isusumite sa Tanggapan ni Sen. Angara.

Nakatakda na rin ang pagpupulong nina Angara at out-going DepEd Secretary Duterte.

“So ang target po natin na by the end of the week, ma-finalize na po lahat ng transition reports, ico-compile po natin ito at itu-turn over po natin sa ating incoming Secretary of Education pati na rin sa kanyang team,” sabi ni Poa.

“I’m sure magkakaroon naman po ng pag-uusap wala pang detalye as to the date, but definitely we can expect na magakaroon naman po ng pag-uusap ang ating Vice President at ang incoming Secretary of Education,” dagdag pa nito. Santi Celario