Home NATIONWIDE ‘Kakarampot’ na P35 dagdag sa minimum wage sa NCR kinastigo sa Senado

‘Kakarampot’ na P35 dagdag sa minimum wage sa NCR kinastigo sa Senado

MANILA Philippines- Matinding kinastigo ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na aprubahan ang kakarampot na ₱35 daily minimum wage increase sa manggagawa sa National Capital Region (NCR), dahil hindi umano ito sapat.

Sinabi ni Escudero na masyadong maliit ang pagtaas upang tugunan ang tunay na pangangailangan ng manggagawa sa gitna ng lumolobong halaga ng pangunahing bilihin.

“Maliwanag na kulang at malayo na matugunan ang tunay na mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin,” ayon kay Escudero.

Kinuwestiyon ni Escudeo ang basehan ng desisyon ng RTWPB dahil hindi kumakatawan ang pagtutuom ng ahensya sa tunay na halaga ng pamumuhay.

“Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na omento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang ‘yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nag-palengke? Pa-share naman kamo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na ₱35 sa sahod na binigay nila,” aniya.

Ipinunto ni Escudero na naipasa ng Senado ang ₱100 across-the-board wage increase, na dapat maging basehan ng pagtaas.

Ayon kay Escudero, maliit pa ang naturang halaga upang matugunan ang itinakda sa Saligang Batas na magbigay ng “living wage” sa halip na “minimum wage.”

“Patuloy na ipaglalaban at tatayuan ng Senado ang prinsipyo at paniniwala na: ‘ang konting bawas sa kita ng negosyante (na di naman nila ikalulugi) ay malaking pakinabang at tulong sa ating mga manggagawa,’” ayon kay Escudero.

Dismayado rin ni Senador Juan Miguel Zubiri sa P35 additional pay sa pagsasabing ito ay “grossly insufficient.”

“Nalulungkot po tayo at sadyang napakaliit ng inaprubahan ng ating wage boards para sa umento sa sahod ng ating mga minimum wage earners. Hindi ito tama at hindi ito sapat, period,” ayon kay Zubiri.

Pangunahing awtor si Zubiri ng P100 across-the-board wage increase bill, na inaprubahan ng Senado pero nananatiling nakabinbin ang katumbas na panukala sa Kamara.

“The wage boards should do their jobs well. Andami naming hearing sa Senado at maraming nagsabi na although maliit pa rin ang P100 na umento sa sahod araw-araw ay malaki ang maitutulong nito sa ating mga mamamayan,” giit niya.

“Eh napakaliit ng P35 para makatulong sa isang araw ng manggagawa. Hindi ito makakabili ng isang kilong bigas. P3 lang ang diperensya nito sa extra rice sa Jollibee na nasa P32 na isa. What are our wage boards thinking?” gagdag ni Zubiri. Ernie Reyes