MANILA, Philippines – Inihayag ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman na inaasahan na ilalabas ngayong linggo, marahil sa Disyembre 5, ang ulat ng panel ng ICC-accredited medical experts tungkol sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Isusumite ng depensa ang kanilang tugon sa ulat bago o sa Disyembre 12.
Si Duterte, na nakakulong sa Scheveningen Prison mula Marso 12, ay “nadismaya ngunit hindi nagulat” matapos tanggihan ng ICC Appeals Chamber ang kanyang hiling na pansamantalang pagpapalaya.
Siya ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.
Ayon kay Kaufman, hinihintay din ng depensa ang desisyon sa kanilang apela laban sa pagtanggi ng ICC Pre-Trial Chamber sa hamon sa hurisdiksyon, na inaasahang ilalabas matapos buksan ang 2026 judicial year ng ICC sa Enero 27. RNT