MANILA, Philippines – Sinosolusyunan na ng Department of Education (DepEd) ang kakulangan ng mga punong-guro matapos ibunyag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na halos kalahati ng pampublikong paaralan sa bansa ay walang principal.
Batay sa Year Two Report ng EDCOM, sa 45,199 paaralan ng DepEd, 20,381 lamang ang may principal, habang 24,916 ang pinamamahalaan ng head teachers, teachers-in-charge (TICs), o officers-in-charge (OICs).
Kinumpirma ni DepEd Undersecretary Willie Cabral ang kakulangan at sinabi na nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Budget and Management (DBM) upang maireklasipika ang mga kwalipikadong TICs bilang principal.
Sa kasalukuyan, may 7,700 aplikante ang maaaring ma-promote.
Bagama’t kinikilala niyang seryoso ang sitwasyon, tiniyak ni Cabral na may mga mahusay na head teachers at TICs na nagpapatakbo ng mga paaralan, ngunit mas mainam kung may nakatalagang principal sa bawat isa.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng kakulangan ay ang mababang passing rate sa National Qualifying Examination for School Heads (NQESH), kung saan 26% lamang ang pumasa noong 2023.
Bukod dito, may deployment issues din ang DepEd, kung saan may mga principal positions na hindi napupunan dahil sa kakulangan ng kwalipikadong aplikante o hindi pagsunod sa staffing requirements.
Upang solusyunan ito, inirerekomenda ng EDCOM II na magkaroon ng nakalaang principal plantilla position sa bawat paaralan, itaas ang sahod at pagsasanay para sa mga TICs at OICs, at bumuo ng malinaw na career progression plan para sa mga magiging school leaders. Nakatakda ring maglunsad ang DepEd ng mga training programs upang matulungan ang mga kwalipikadong guro na umangat sa posisyon ng pagiging principal. RNT