Home OPINION KALAMIDAD HINDI BIRO

KALAMIDAD HINDI BIRO

HABANG tinitipa ito, mga Bro, umabot na sa 151 lugar sa Luzon ang deklaradong lugar ng kalamidad.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council, maaaring darami pang lugar ang magdedeklara ng state of calamity.

Dala ang mga kalamidad ng pinaghalo-halong bangis ng mga bagyong Egay, Falcon at Habagat.

Matatagpuan ang mga kalamidad sa anim na rehiyon gaya ng Region 1, lalo na sa Ilocos Norte at La Union; Region 2 – buong lalawigan ng Cagayan; Region 3 – mga nasa Pampanga, Bataan, Bulacan at Tarlac; Region 4A – buong lalawigan ng Cavite; Region 4B – isang lugar sa Sablayan, Occidental Mindoro; at Cordillera Administrative Region – Abra at Mountain Province.

Hindi biro-biro ang lawak ng calamity area, lalo na kung iisipin na apektado ang 2.4 milyong katao at may mahigit 50,000 na nasa daan-daang evacuation center.

MGA PONDO

Sa state of calamity, magagamit kaagad ng mga lalawigan, lungsod, bayan at barangay ang kanilang mga Quick Response Fund.

Pero hindi basta ginagastos ang mga QRF at Calamity Fund dahil hindi pupwedeng ubusin ang lahat para sa iisang pangyayari.

Para LGUs, kung ano lang ang pondo para sa bawat buwan, siya lang ang kanilang dudukutin para panggastos at hindi nila pupwedeng idamay ang para sa mga susunod na buwan haggang Disyembre.

Kaya maraming LGU ang nagsasabing naubusan na sila ng pondo at kapag umarary na ang mga ito, dito na umeentra ang mga pambansang ahensya sa pag-ayuda sa mga ito.

Subalit hindi naman talaga naghihintay ang mga pambansang ahensya ng kalabit o pag-aray ng mga LGU.

Dahil ang totoo, bago pa manalasa ang mga kalamidad na nakikita bago manalasa gaya ng mga bagyo at baha, nakaposisyon na ang mga pambansang ahensya para umalalay sa lahat.

Kasama sa mga abante ang posisyon ang Department of Social Welfare and Development laban sa gutom at iba pa; Dept. of Public Works and Highways laban sa landslide at pagkasira ng mga imprastraktura; Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para sa search and rescue at paghahatid ng mga ayuda; Department of Health laban sa sakit at para sa kalusugan; National Irrigation Administration na kumokonekta sa mga dam at nagbibigay ng mga babala sa mga mapanganib na pagpapalabas ng tubig ng mga dam; at iba pa.

MAGTIIS, MAGTULONG-TULONG

Talagang nawawalan ang maraming mamamayan ng mga batayang pangangailangan lalo na sa pagkain at pagkakitaan sa oras ng kalamidad.

Ito talaga ang pangunahing problema at pinag-uusapan dito ang gutom at kawalan ng panggastos ng milyon-nilyong mamamayan.

Kung paano harapin ang kagipitan, siya ang dapat na pagtuunan ng pansin hanggang magiging normal muli ang lahat.

‘Yang pagtitiis at pagtutulungan ang isang susi laban sa gutom at kawalan sa oras ng kalamidad.