MANILA, Philippines – Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya na unahin ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda matapos iulat na binomba ng mga barkong Tsino ng water cannon at nagsagawa ng delikadong manobras laban sa humigit-kumulang 20 barkong pangisda ng Pilipino malapit sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea noong Disyembre 12.
“Ang ipinagbilin po at ang direktiba ng Pangulo ay unahin ang kaligtasan ng ating mga kababayan, ang mga mangingisda na minsan ay nanganganib ang kanilang buhay,” ani Palace Press Officer Claire Castro, at idinagdag na maglalagay ng mga strategic deployment at karagdagang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) upang mabantayan at maprotektahan ang mga mangingisda.
Kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang mga aksyon ng China Coast Guard bilang iligal at mapanganib.
“Tatlong Pilipinong mangingisda ang nasugatan dahil sa lakas ng pressure ng water cannon na ang mga tinamaan diumano ay natumba at tumama sa mga matitigas at matatalas na parte ng kanilang sinasakyang pangisda,” ani NMC spokesperson Undersecretary Alexander Lopez. Dalawang barko rin ang nasira.
Nangyari ang insidente sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas, 648 nautical miles mula sa Hainan, China.
Ang mga barko ng PCG na BRP Malapascua at BRP Cape Engaño, kasama ang MV Pamalakaya, ay nakarating sa mga mangingisda, nagbigay ng medikal na tulong, at naghahatid ng pangunahing pangangailangan sa kabila ng panggugulo ng CCG.
Ayon sa NMC, magsasagawa ang Pilipinas ng angkop na diplomatikong aksyon at ipapahayag ang matibay na pagtutol, kasabay ng pagsunod sa international law at proteksyon sa mga mangingisda. Kinondena rin ng Estados Unidos at Canada ang ginawa ng Tsina. RNT