MANILA, Philippines – Paiigtingin ng MARINA ang kaligtasan sa maritime sector sa pamamagitan ng supervised emergency drills at refresher training para sa mga seafarers kasunod ng insidente ng MV Trisha Kerstin 3.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, kailangang palakasin ang implementasyon ng safety management systems at matiyak ang pagsunod at mapabuti ang kahandaan ng mga shipping companies at kanilang crew.
Sinabi ni Malaluan na pagkatapos ng insidente ay naglabas ng advisory na magrerequire ng regular na drills na pangangasiwaan ng MARINA.
Dagdag pa, maaari din aniyang magrequire sa midterm ng refresher training para sa mga domestic seafarers.
Lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 noong Enero 26 at natagpuan ang lokasyon nito malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan noong Pebrero 3.
Ayon kay Malaluan, bagama’t matibay ang maritime training standards ng Pilipinas, kailangang bigyang-diin ang aktwal na implementasyon ng safety management systems ng mga kumpanya.
Sinabi naman ni International Maritime Organization (IMO) Secretary General Arsenio Dominguez, na kasalukuyang bumibisita sa Pilipinas na isa sa mga hamon ay ang mga seafarers na hindi handa sa mga sitwasyon ng labanan, tulad ng nangyayari sa Red Sea.
Sinabi rin ng IMO na kanilang pinapalakas ang mga hakbang laban sa karahasan at sexual harassment sa maritime sector at inilunsad ang Safe Horizons Project para sa kamalayan ukol dito.
Bukod sa kaligtasan, itinutulak din ng IMO ang maritime decarbonization efforts, kabilang ang paggamit ng alternative fuels tulad ng methanol at ethanol. Jocelyn Tabangcura-Domenden