MANILA, Philippines – Inatasan ng Sandiganbayan Third Division ang agarang beripikasyon sa kalagayan ng kalusugan ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.
Nauna nang sinabi ng prosekusyon sa korte na hindi makakadalo si Bernardo sa bail hearing ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng kasong malversation na may kinalaman sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Iniutos ni Associate Justice Karl Miranda na bisitahin ng medical officer ng korte si Bernardo sa Asian Hospital and Medical Center upang alamin kung ang kanyang kondisyon ay sapat na dahilan para sa hindi pagdalo sa nakatakdang pagdinig sa Abril 23.
Ayon kay Prosecutor Ma. Cristina T. Marallag-Batacan, si Bernardo ay “indisposed” at batay sa medical certificate ay may chronic rhinosinusitis, follicular pharyngitis, at acute bronchitis. Nakasaad din na kailangan niya ng hindi bababa sa limang araw na bed rest.
Aalamin ng korte kung sapat ang tindi ng mga sakit upang siya ay pisikal na hindi makapagpatotoo sa ilalim ng panunumpa.
Inatasan si Dr. Warlin Basuel, Medical Officer IV ng Sandiganbayan, na kumpirmahin ang aktwal na pagkaka-confine ni Bernardo at magsumite ng ulat sa loob ng araw.
Nagbabala rin ang korte na kung mapapatunayang “feigned” o hindi makatwiran ang sakit, maaari nitong ipatupad ang compulsory processes, kabilang ang pag-isyu ng warrant of arrest o pag-cite for indirect contempt.
Nauna nang tumestigo si Bernardo na nakatanggap siya ng taunang P10-milyong “balato” mula kay Zaldy Co sa pamamagitan ng isang dating opisyal ng DPWH-Mimaropa. Santi Celario