MANILA, Philippines – Tiniyak ng Kamara na hindi ito makikialam sa imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sakaling may madawit na mga kongresista.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, awtomatikong tatalikod ang kanyang panel kung may mambabatas na papangalanan sa gitna ng pagsisiyasat.
“[We] will immediately recuse and yield it to… an independent third party probe, if it will be formed, or to an executive-led probe to make sure that there will be no conflict of interest or cover-up,” paliwanag ni Ridon sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado, Agosto 16.
Nilinaw niya na hindi titigil ang buong tri-committee sa kanilang trabaho, kundi tatalikod lamang sa partikular na inquiry kung saan may mambabatas na madadamay.
“For example, in project A… there will be a whistleblower who will say, ‘Congressman A took kickbacks.’ Obviously we will ask him to explain and as soon as he gets to explain we will recuse and then endorse [the probe],” dagdag ng mambabatas.
Ang tri-com ay binubuo ng mga komite sa Public Accounts, Public Works at Good Government. Naghihintay pa ito ng basbas ng plenaryo bago simulan ang pagdinig.
“It’s not a witch hunt, we have to be able to afford due process… It is a project-led investigation,” giit ni Ridon.
Kasabay nito, muling inimbitahan ni Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magsumite ng impormasyon kapag nagsimula na ang mga pagdinig.
Matatandaang sinabi ni Magalong na may ilang kongresista umanong tumatanggap ng 30% hanggang 40% kickbacks mula sa mga infrastructure projects, kabilang ang flood control.
Bago ito, ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng kabuuang P545-bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista.
“Sa 15 na contractor na ‘yan, lima sa kanila ay may kontrata sa buong Pilipinas,” pahayag ng Pangulo, na tiniyak na pananagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot sa katiwalian. RNT/JGC