MANIL, Philippines- Kinuwestiyon ni Senador Joel Villanueva ang House Committee on Approporations sa itinuturing nitong “consistency” sa pagtapyas ng badyet ng Office of the Vice President (OVP).
Sa virtual press conference, sinabi ni Villanueva na hindi ito pumapabor sa “treatment” ng Kamara sa OVP kahit iginagalang nito ang desisyon ng House panel na pawang taliwas sa tradisyon na ipinaiiral ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa OVP.
“I have to say, what is really your policy? You have to be consistent. You cannot do it in the first year or second year, and then the third year, mag-iiba. ‘Yun na lang, the issue of consistency,” ayon kay Villanueva.
“If you’re going to do that, keep on doing that the entire duration of your term, nitong term. Kasi as tradition dictates nga, hindi po talaga ginagawa ‘yan,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Villanueva na dapat pairalin ng Kongreso ang tradisyon at ipagpatuloy ang implementasyon ng alituntunin kahit sino ang opisyal na sangkot.
Binanggit din niya ang kanyang termino bilang kinatawan ng partylist sa Kongreso na palaging itinataguyod ang tradisyon.
“It may not be part of the law, it may not be part of the rules of both houses, but we always submit to the traditions of our institution,” ayon kay Villanueva.
Isang malaking panawagan ang pagtapyas ng panukalang OVP budget sa 2025 nang mahigit sa kalahati, pero posibleng magkaroon ng pagbabago habang isinasagawa ang deliberasyon dahil nasa komite pa ito.
“That’s the decision of the committee. And I just thought consistency will be raised because why didn’t you do that in the first year and second year and you’re only doing it on the third year?” ayon kay Villanueva.
“I can say this. She’s the Vice president. I mean, the Office of the Vice President, you slash it by more than half?” tanong ni Villanueva.
Tinapyas ng House committee sa halagang P1.29 bilyon ang badyet ng OVP mula sa panukalang P2 bilyon para sa 2025 dahil sa kawalan ng impormasyon hinggil kung saan gagamitin ang pondo.
Pinagbasehan ng komite ang kawalan ng impormasyon sa patuloy pang-iisnab ni Vice President Sara Duterte o sinuman sa OVP upang ipagtanggol ang budget sa ikalawang araw ng deliberasyon.
Pero, ayon kay Villanueva , maraming pamamaraan upang matukoy kung paano ginastos ng OVP ang umiiral na badyet at ano ang plano sa paggastos ng susunod na pondo sa 2025.
“You can file a resolution, you can investigate on the confidential funds. That’s what I mean. If you do that as well, well if you do that, that is your decision then, do it consistently do it in other agencies. Hindi lang naman Office of the Vice President ang may kwestyon sa confidential funds,” paliwanag ni Villanueva. Ernie Reyes