Home NATIONWIDE Kamara magsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral

Kamara magsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral

326
0

MANILA, Philippines – Posibleng magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara kaugnay ng misteryosong pagkamatay ng dating DPWH undersecretary Catalina “Cathy” Cabral at ang umano’y ugnayan nito sa flood control corruption scandal.

Ayon kay Senior Deputy Minority Leader Rep. Egay Erice nitong Martes, ipatatawag sa pagdinig ang 20 “encoders” na umano’y tumulong kay Cabral sa mga DPWH insertions.

“We will have to summon them, and ask them, and compare the notes of Congressman Leviste’s files [that were] allegedly given to him by [former] Usec. Cabral,” ani Erice, kinatawan ng Caloocan City 2nd District.

Nauna nang sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may listahan sa computer ni Cabral ng lahat ng mga proponent ng DPWH insertions, at iginiit na maaaring mabilis matapos ang imbestigasyon kapag lumabas ang nasabing listahan.

Ayon pa kay Erice, ipatatawag din sa pagdinig ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na pinaniniwalaang wala sa bansa sa kasalukuyan.

Nauna namang iginiit ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na may mga pondo para sa infrastructure projects na “cleared” muna ni Cabral bago tuluyang aprubahan ng kalihim ng ahensya.

Dagdag ni Erice, iimbitahan din ang mga imbestigatibong ahensya sa posibleng inquiry dahil umano sa mabagal at kulang na aksyon laban kay Cabral.

“Imagine hindi na-freeze yung accounts niya at may information ako, sinabi nung driver, during the investigation, na nakakapag-withdraw si Usec. Cabral sa kaniyang mga accounts at marami pang ibang bagay na inconsistent sa investigation,” ani Erice.

Si Cabral, na isa sa mga dating mataas na opisyal ng DPWH na nadawit sa korapsyon, ay natagpuang patay noong nakaraang linggo matapos umano siyang mahulog sa bangin sa Kennon Road sa bayan ng Tuba, Benguet.

Sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, walang foul play sa pagkamatay ni Cabral at ito ay suicide.

Sa isang news conference nitong Lunes, sinabi ni Erice na sila ay “deeply concerned” na ang kaso ay “could lead to the silencing of other potential witnesses or whistleblowers” sa kontrobersiya.

Dagdag pa niya, ang imbestigasyon ay “a call to action to immediately secure testimonies, place witnesses under protection, and prevent further loss of life.”

Pinaniniwalaang si Cabral ay isa sa mga sentrong personalidad sa umano’y kickback scheme sa infrastructure scandal, at sinasabing nakinabang dahil sa kanyang mahalagang posisyon sa ahensya.

Si Cabral, 63 taong gulang, ay may mahigit 40 taong karera sa public works. Siya ay itinalagang Undersecretary for Planning and Public-Private Partnership noong 2014, at nagbitiw lamang ngayong taon matapos madawit sa iskandalo.

Kabilang sa mga mambabatas na kasamang naghain ng resolusyon para sa imbestigasyon sina Leandro Leviste, Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima, Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, at mga Akbayan party-list lawmakers na sina Chel Diokno, Perci Cendaña, at Dadah Kiram Ismula. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here