MANILA, Philippines – Nanawagan ang Kamara sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tiyaking nakakarating sa mga apektadong magsasaka at mangingisda ang ₱6.2 bilyong tulong para sa El Niño, kasabay ng lumalalang tagtuyot na nagbabanta sa produksyon ng agrikultura at seguridad sa pagkain ng bansa.
Ipinagpatuloy ng House Committee on Agriculture and Food, sa pamumuno ni Quezon Rep. Mark Enverga, ang pagsusuri sa ilalim ng House Resolution No. 967 na inihain ni Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing upang rebyuhin ang kahandaan, pondo, at mga hakbang ng pamahalaan para protektahan ang kabuhayan ng sektor ng agrikultura.
Ang aksyon ng Kamara ay alinsunud sa briefing noong Hunyo kung saan inilatag ng Department of Agriculture (DA) at Task Force El Niño ang kanilang mga plano at interventionnaban sa tagtuyot.
Sinabi ni Enverga na ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ay kasunod ng personal na utos ni House Speaker Faustino “Bojie”. Dy III upang tiyaking transparent at direktang naitutulong sa mga komunidad ang inilaang pondo.
Nais malaman ng Kongreso kung nakararating ba sa higit 310,000 maliliit na magsasaka at mangingisda ang ₱6.2 bilyong inilabas sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT program para sa krudo, pataba, at direktang tulong.
Inuusisa rin ng komite ang ₱371-milyong funding gap para sa mga kritikal na interbensyon tulad ng cloud seeding at pagkontrol sa mga peste na sumisira sa mga pananim na tubo.
Ayon pa kay Enverga, kinakailangang magbunga ng konkretong resulta ang iminumungkahing ₱61.99-bilyong consolidated action plan ng DA.
“Hindi na kayang maghintay ang ating mga magsasaka at mangingisda. Hinihingi natin sa lahat ng ahensya na dumalo ngayon ang mga tiyak at tapat na kasagutan upang agad tayong makapaghatid ng mabilis at nakatutok na tulong sa ating sektor ng agrikultura,” giit ni Enverga.
Samantala, sinabi naman ni Suansing na layunin ng pagdinig na masuri ang mga naisakatuparan ng mga ahensya mula noong Hunyo at ang mga karagdagang hakbang na kailangan laban sa banta ng El Niño sa tubig, kuryente, kalusugan, at kabuhayan.
Hiningi rin ni Suansing ang ulat sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act, partikular kung nagamit ang pondo para sa mga preventive measure, kasabay ng paghimok sa DA na palawakin ang mga drought-resistant technology at alternatibong kabuhayan.
Aniya, ang usapin sa paghahanda sa El Niño at pagbabago ng klima ay hindi lamang usapin ng industriya kundi usapin ng pambansang seguridad.
Dumalo sa naturang pagdinig ang mga kinatawan mula sa DA, PAGASA, DOST, DENR, NIA, iba pang ahensya ng gobyerno, at mga pribadong grupo sa agrikultura. Gail Mendoza