Home NATIONWIDE Kampanya kontra cancer pinaigting ng QC LGU

Kampanya kontra cancer pinaigting ng QC LGU

MANILA, Philippines – Pinaigting ng Quezon City government ang kanilang mga inisyatiba sa cancer, bilang bahagi ng pagdiriwang ng lungsod ng Breast Cancer Awareness Month.

Ang QCitizens ay maaaring mag-avail ng libreng clinical breast examinations at mammograms para sa mga babaeng may edad 50 taong gulang pataas.

Lahat ng 66 na sentrong pangkalusugan ay nag-aalok ng mga serbisyong ito sa buong taon mula Lunes hanggang Biyernes, 8 AM hanggang 5 PM.

Ayon sa QC gov’t. ngayong taon, sinuri ng Quezon City Health Department (QCHD) ang 56,393 kababaihan para sa mass ng dibdib. Dalawampu’t tatlo (23) ang ini-refer sa East Avenue Medical Center, habang 35 naman ang ini-refer sa Quezon City General Hospital (QCGH) para sa karagdagang assessment at laboratory tests.

“Batid natin na may kamahalan ang ganitong klaseng procedure kaya hindi maiiwasan ‘yung pag-alinlangan ng mga residente na magpa-check up. Kaya libre at inilalapit natin ang ganitong serbisyo sa lahat ng QCitizen, lalo na para sa mga kababaihan,” ayon kay Mayor Belmonte.

Ang mga nagpositibo sa mga bukol ay tutulungan ng gamot sa EAMC at susuportahan ng lokal na pamahalaan sa pagtanggap ng libreng paggamot, kabilang ang chemotherapy, radiation therapy, o operasyon.

Kaugnay nito, sinabi ng QC government na katuwang ang AIA Hope for the Breast, ipinagkaloob din ang libreng breast cancer screening na may mga mammogram sa mga empleyado ng Quezon City Hall noong Biyernes, Oktubre 11.

“Sa pamamagitan ng aming partnership sa AIA Hope for the Breast, maaari na ngayong ma-access ng QCitizens ang mga libreng screening at komprehensibong suporta. Para sa mga na-diagnose na may kanser sa suso, sasakupin ng AIA ang paggamot hanggang sa ganap na paggaling. Walang kailangang katakutan. Tinitiyak ng maagang pagsusuri na kontrolado natin ang ating kalusugan at ang ating kinabukasan,” sabi ni Mayor Joy Bemonte.

Mag-aalok din ng livelihood assistance sa mga pasyente sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) gayundin ang facilitation para makakuha ng person with disability (PWD) identification card. Santi Celario