Home NATIONWIDE Kampanya kontra fixer para mauna sa pila ikinasa ng PPA

Kampanya kontra fixer para mauna sa pila ikinasa ng PPA

MANILA, Philippines – Naglagay ng mga panawagan ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pantalan laban sa mga fixer.

Paalala ng PPA sa mga pasahero at motorista na huwag maglagay ng pampadulas para maunang makapasok sa pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng ahensya at makasakay ng barko.

Ang paalala ng PPA ay kasunod ito ng lumabas na ulat kaugnay sa di umano’y fixer sa Lucena Port na target ang mga pasahero na gustong mauna ang kanilang sasakyan sa pagpasok sa barko kapalit ang dagdag na singil na P1,000 kada sasakyan para sa umano’y ‘priority boarding’.

Kaugnay nito, inatasan ni PPA General Manager Jay Santiago ang mga port manager sa iba’t ibang Port Management Offices (PMOs) sa buong bansa na magsagawa ng mga hakbang para malabanan ang ganitong mapagsamantalang aktibidad na nagdadagdag sa pasakit ng mga pasahero.

Sa PMO Marinduque-Quezon, naglagay ng karatula na nagsasaad ng paalala sa publiko na ‘umiwas sa fixer at mandurugas’.

Sa isinagawang imbestigasyon ng PPA, lumalabas na walang katotohanan ang ulat .Sa kabil nito, patuloy pa rin ang ahensya sa pamumuno ni GM Santiago, na magpatupad ng mga hakbang para mapigilan ang anumang uri ng panloloko o maling aktibidad sa mga pantalan sa buong bansa.

Kabilang sa mga tanggapan ng PPA na agad na umaksyon sa direktiba na labanan ang mga fixer sa pantalan ay ang PMO Marinduque/Quezon. Ayon kay Port Manager Aurora Mendoza, walang ganitong iligal na gawain sa mga pantalang sakop ng kanilang PMO kabilang ang Port of Lucena at Port of Balanacan.

“Kapag nakapila ka kasi sa marshaling area, hindi ka pwedeng umalis kasi makikita ka ng ibang nakapila kaya imposible na makauna ka sa kanila kasi iisa lang ang dadaanan,” ani PM Mendoza. Paalala pa niya, “Hindi kailangan na maglagay para makasakay. Basta nakapila ka kayang maisakay ang inyong sasakyan.”

Paalala pa ng PPA sa publiko, huwag tangkilikin ang anumang alok na serbisyo mula sa hindi awtorisadong tao o grupo upang hindi maging biktima ng modus. Kung may makikita umanong ganitong gawain, agad na iulat sa port police o awtoridad na nasa pantalan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)