Home NATIONWIDE Kampanya vs dayuhang sexual predators inilunsad ng BI

Kampanya vs dayuhang sexual predators inilunsad ng BI

MANILA, Philippines – INILUNSAD ng Bureau of Immigration (BI) ang kampanya laban sa mga “sexual predator” bunsod na din ng pagtaas ng bilang ng mga rehistradong sex offenders na nagtangkang makapasok sa bansa.

Sa isang seremonya na ginanap sa GSIS Theater sa Pasay City, pinangunahan ni BI Commissioner Norman Tansingco ang paglulunsad ng Project #ShieldKids Campaign, na isang three-tier na pagsisikap ng ahensya upang labanan ang pagdami ng mga sexual predator. Kasama niya sa nasabing event sina Deputy Commissioners Joel Anthony Viado at Daniel Laogan.

Ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Head Undersecretary Nicholas Felix Ty ay nagsilbing panauhing tagapagsalita ng kaganapan. Dumalo rin si Undersecretary Angelo M. Tapales ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa BI, layon ng nasabing proyekto na pagsamahin ang mga pagsisikap ng gobyerno laban sa mga sex offenders sa bansa sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng network ng komunikasyon sa mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa pag-iimbestiga at pag-aresto sa mga pedophile at trafficker.

Pinatitibay din ng proyekto ang kampanya ng BI laban sa mga sexual predator sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa mga kaso laban sa mga dayuhang mamamayan na maaaring sangkot sa sex trafficking ng mga bata.

Bilang bahagi ng nasabing kampanya, binuksan ng BI ang helpline ng Commissioner sa pamamagitan ng Facebook.com/immigration.helpline.ph, na hinihikayat ang mga concerned citizen na mag-ulat ng mga potensyal na kaso ng child exploitation at abuse na kinasasangkutan ng mga dayuhan.

Nabatid na noong 2023 lamang, hindi isinama ng BI ang 171 dayuhang mamamayan na dati nang nahatulan ng mga krimen sa sex, o pinaghahanap para sa mga naturang kaso.

“The threat against our children is real and is here. With the reopening of the country’s borders post-pandemic comes the rise of attempts of sexual predators to enter the country,” ani Tansingco. “We must protect those who rely on us for their safety,” dagdag pa ng opisyal.

Hinikayat ni Tansingco ang mga mamamayan na agad na iulat ang mga sexual predator na maaaring nasa kanilang mga komunidad sa BI.

“By protecting our children, we defend our future,” ani Tansingco. “Let us all do our share in protecting the most vulnerable from these undesirable aliens,” giit pa nito. JAY Reyes

Previous articleBulkang Kanlaon nagliligalig; 8 pagyanig naitala
Next articleIba pang foreign language pinasasama sa K to 12 curriculum