MANILA, Philippines- Kinilala ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz ang seryosong kampanya ng lokal na pamahalaan ng Pasay para sa lubusang mawakasan ang ilegal na operasyon ng Philippine Gaming Offshore Operators (POGO) sa lungsod.
Ito ang napag-alaman sa PAOCC chief na nagsabing mismong si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang nanguna sa pagkakalansag ng isang malaking POGO hub sa limang palapag ng One Wheels Condominium sa SM MOA Complex, Brgy. 076 nitong nakaraang Miyerkules ng hapon, Pebrero 26, kung saaan nasa 455 katao ang naaktuhang nagsasagawa ng iba’t ibang ilegal na operasyon tulad ng ‘love scam,’ ‘investment scam,’ at ‘crypto-currency scam.’
“Sana tularan ng iba pa nating LGUs itong ginagawang pro-active campaign ng Pasay LGU sa pangunguna ni Mayor Emi Calixto-Rubiano. Itong pagkakalansag po natin sa mga elicit operations ng mga foreigners ay dahil po sa tulong ng Pasay LGU,” ani Cruz.
Sinabi ni Cruz na kanyang inirerekomenda na gawing modelo ang Pasay LGU sa pagpapakita nito ng solidong suporta sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na walisin at tuluyang nang tuldukan ang POGO operations sa bansa.
Sa 455 naabutan ng joint operations ng Pasay LGU, PAOCC, at mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa sinalakay na gusali, nasa 404 dayuhan na kinabibilangan ng Chinese, Indonesian, Malaysian, Korean, at Vietnamese nationals ang inaresto maliban pa sa nadakip na 51 empleyadong Pinoy.
Ayon pa kay Cruz, ang mga nahuling dayuhan ay dati na ring sangkot sa POGO operations na nagpalit lamang ng estilo ng panloloko sa pamamagitan ng love scam, crypto-currency, at investment scam.
Dagdag pa ng PAOCC chief, maliban sa pambibiktima ng grupong ito sa mga kapwa dayuhan ay marami na ring Pinoy ang mga nabibiktima sa kanilang ilegal na gawain.
Sinabi naman ni Calixto-Rubiano na simula’t sapul pa ay mahigpit na ang kanyang direktiba sa lokal na kapulisan at sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na huwag papasukin ang mga ilegal na POGO sa lungsod.
“Even before the pronouncement of our President – Bongbong Marcos Jr., talagang ginagawa na naming ang paghihigpit sa mga POGO operators. At noong banggitin ng ating Pangulo ang ‘total ban’ sa POGO sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), talagang ipinatupad natin ito,” giit ni Calixto-Rubiano.
Katunayan aniya, simula noong Hunyo 2024 ay umabot na sa 164 ang naipasarang POGO operations ng lokal na pamahalaan.
“Katulad po ngayong taon (2025), sa mahigit 300 na business establishment sa Pasay na inisyuhan natin ng business permit – kahit isa po rito ay walang POGO business at alinmang negosyo na may kaugnayan dito,” sabi pa ng alkalde.
Nagbabala rin si Calixto-Rubiano sa mga nag-ooperate pa nang palihim o ‘guerilla type’ na POGO operations na huwag nang magtangkang magpatuloy ng kanilang operasyon dahil hindi niya hahayaang babuyin at maghari-harian ang mga dayuhang POGO operators sa lungsod.
“With our more intensive campaign to totally crackdown any form of elicit operations ng mga dayuhan – whether ito man ay palihim na POGO, love scam or anything that is illegal at hindi katanggap-tanggap sa ating gobyerno, I warn you – we are going after you at sisiguruhin nating mapaparusahan kayo ng batas,” babala ni Mayor Emi.
Nagkasundo rin ang Pasay LGU katuwang ang iba’t ibang ahensya at law enforcement ng national government sa pangunguna ng PAOCC, CIDG at Department of Justice (DOJ) na hindi sila titigil sa pagbuwag sa mga POGO at iba uri ng ilegal na negosyo ng mga dayuhan sa bansa. James I. Catapusan