Home NATIONWIDE Kampanya vs pekeng gamot, suportado ni Bong Go

Kampanya vs pekeng gamot, suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines – Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go, kilalang health reforms crusader, ang Food and Drug Administration (FDA) sa kampanya nito laban sa mga pekeng gamot kasabay ng idinaos na National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine (NCWACM), simula Nobyembre 18 hanggang 22 sa Puerto Princesa City, Palawan.

Ang okasyon ay nagsisilbing isang mahalagang paalala ng ibinahaging responsibilidad na protektahan ang kalusugan at kagalingan ng bawat Pilipino.

May theme na “Advancing Vigilance and Solidarity Against Counterfeit Medicine: Kolaborasyon, Edukasyon, at Aksyon ay Tutukan Upang Paglaganap ng Pekeng Medisina ay Malabanan ng Lokal na Pamahalaan at ng mga Mamamayan!” ay isang misyon na itaas ang kamalayan at palakasin ang aksyon laban sa pekeng gamot.

“Ang ating paglaban sa pekeng gamot ay hindi lamang isang isyu sa kalusugan kundi isang usapin ng buhay at kaligtasan,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na kailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, lokal na komunidad, hanggang sa bawat mamamayan para gawing ligtas at malusog ang lipunan.

“It is only through unity and vigilance that we can build a safer and healthier society for all,” anang mambabatas.

Isa sa naging highlight ng event ay ang pagsisiwalat sa natuklasan ng FDA na 29 tindahan sa Palawan ang nagbebenta ng mga pekeng gamot, habang 74 pekeng produkto ang natukoy.

Bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, muling idiniin ni Go ang kanyang pangako na susuportahan ang mas matibay na batas at mga hakbang na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng gamot.

Si Go rin ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sa kasalukuyan, 166 Malasakit Centers ang nag-ooperate sa buong bansa at handang tumulong ang mga ito sa mga pasyente sa kanilang gastusin sa pagpapagamot. Nakatulong na ang Malasakit Centers sa mahigit 15 milyong Pilipino, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).

Kampeon din siya ng pagtatatag ng mga Super Health Center na idinisenyo upang tumutok sa pangunahing pangangalaga, mga konsultasyon, at maagang pagtuklas sa mga sakit sa grassroots community. RNT