MANILA, Philippines – Hindi pa maituturing na walang saysay ang petisyon na humihiling na mapalaya si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Ito ang nakapaloob sa inihain sa Supreme Court na ‘Traverse’ ni Veronica “Kitty” Duterte bilang pagtutol sa komento ng Department of Justice na dapat umanong ibasura na ng Supreme Court (SC) ang petisyon ni Duterte dahil sa pagiging moot at kulang sa merito.
Sa 34 na pahinang Traverse, sinabi ng petitioner na hindi dapat gamitin na dahilan ng mga respondent na wala na sa kustodiya nila si dating Pangulong Duterte kaya hindi na Kailangan ang writ of habeas corpus.
“To allow the same would be to reward the respondents for their illegal and unconstitutional actions, and their deliberate attempt to evade judicial review,” giit ni Veronica.
Maari pa aniya atasan ng SC ang Philippine officials na ibalik sa Pilipinas ang kanyang ama mula sa ICC.
Binigyan-diin ni Veronica na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil sa principle of complementarity.
Ginamit din ni Duterte ang naging pangtanggi ng Office of the Solicitor General (OSG) na maging kinatawan ng pamahalaan sa kaso.
Ang recusal aniya ng OSG ay malinaw na patunay na ang pagkuha sa ama papunta sa The Hague ay iligal at hindi kayang maipagtanggol. TERESA TAVARES