MANILA, Philippines – Plano ng kampo ni Cassandra Li Ong na magsampa ng kasong arbitrary detention sa Ombudsman laban sa mga otoridad.
Si Ong ay isa sa kasamahan ng kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na si Sheila Guo na naaresto sa Batam, Indonesia.
Sinabi ng legal counsel ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na tiyak na kasama sa respondents ang Department of Justice (DOJ).
Iginiit ni Topacio na walang batayan ang NBI para idetene si Ong lalo pa at wala naman arrest warrant na inilabas ang korte laban kay Ong.
Ang tanging arrest order laban kay Ong ay inisyu ng Kamara matapos mapatawan ng contempt dahil sa kabiguan na dumalo sa imbestigasyon kaugnay sa mga kriminal na aktibidad na nangyayari sa mga POGO.
Aniya, hindi dapat ikinulong sa NBI ang kliyente kungdi agad dapat tinurn over sa House Sergeant-of-Arms.
Nilinaw naman ni NBI Director Jaime Santiago na sinunod lamang nila ang proseso.
Wala aniyang political bias sa kanilang ginawa at sinunod lamang nila ang arrest order ng Kongreso. Teresa Tavares