MANILA, Philippines – Isinuko ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy sa pulisya ang limang armas na nakarehistro sa naturang religious leader.
Sa pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil, iniulat na isinuko ang mga armas sa Police Regional Office 11 (PRO-11) nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 8.
“[The firearms were] surrendered to our regional security unit ng PRO-11, Davao po,” ani Marbil.
Nangako rin ang kampo ni Quiboloy na magsusuko pa ito ng mas maraming armas sa mga susunod na araw.
Sa rekord, nakita na mayroon pang 14 armas na nakarehistro kay Quiboloy. Pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ang “Appointed Son of God” matapos isyuhan ng arrest warrant.
Noong Abril ay kinansela ng PNP ang gun permit ni Quiboloy dahil sa mga kasong kinakaharap niya dito sa Pilipinas maging sa Estados Unidos.
Kamakailan ay inirekomenda ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang revocation ng mga baril ni Quiboloy batay sa Section 4 (g) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ilalim ng Standards and Requisites for Issuance of and Obtaining a License to Own and Possess Firearms of the Law, “The applicant has not been convicted or is currently an accused in a pending criminal case before any court of law for a crime that is punishable with a penalty of more than two years.”
Kabilang sa legal disability para sa gun ownership ay “pendency of a criminal case with imposable penalty of two years.” RNT/JGC