Home OPINION KANDALETSE-LETSENG IMPEACHMENT

KANDALETSE-LETSENG IMPEACHMENT

NAGKAKANDALETSE-LETSE na ang kasong impeachment.

Una, kinukwestiyon ng mga Prosecutor ng Kamara ang pagbabalik sa kanila ng Impeachment Court o IC mula sa Senado ng Articles of Impeachment para sertipikahan na hindi nito nilalabag ang 1-year ban o pagbabawal nang paghahain ng kaso sa loob ng isang taon gaya ng itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Nais ding malaman ng IC kung itutuloy nila ang kaso sa darating na ika-20 Kongreso.

Para kasi sa IC, may naunang tatlong impeachment na inihain sa Kamara at kung isa man sa mga ito ang dumaan sa tamang proseso, hindi na nito pupwedeng tanggapin at litisin ang ikaapat na impeachment na siyang isinumite sa IC dahil paglabag na ito sa 1-year ban.

Mahalaga ring malaman ng IC kung itutuloy ng mga Prosecutor ang kaso sa ika-20 Kongreso dahil sa pagsasara ng ika-19 Kongreso na siyang tumanggap sa Articles of Impeachment sa darating na Hunyo 30, 2025 at ang IC sa ika-19 Kongreso ang dapat na lumitis sa kaso.

Ikalawa, sa kabila ng pagnanais ng mga Prosecutor na simulan na agad ang paglilitis, binara naman sila ng proseso gaya ng pagbibigay sa akusado ng 10 araw na sumagot sa Articles of Impeachment makaraang matanggap ng akusado ang summons ng IC at limang araw na pagsagot dito ng mga Prosecutor at ilang araw na lamang ang natitira para sana sa pagsisimula ng paglilitis dahil magsasara na ang ika-19 Kongreso sa Hunyo 30.

Bukod pa rito ang recess o adjournment ng buong Kongreso mula sa Hunyo 14 hanggang Hulyo 28, 2025.

Ikatlo, nasa balag ng alanganin din ang pagsisimula ng paglilitis dahil sa kawalan hanggang ngayon ng desisyon ng Supreme Court o SC sa nakasampang kasong pagtutol sa impeachment at sa kuwestiyon kung pupwedeng itawid ang paglilitis mula sa ika-19 Kongreso sa ika-20 Kongreso, bukod pa ang paglilinaw sa salitang “forthwith”…kung may naisampa nang kaso para rito.

Ano sa palagay ninyo, mga brad, ang mangyayari?