Home METRO Kandidato sa Cotabato waging tserman sa palabunutan

Kandidato sa Cotabato waging tserman sa palabunutan

COTABATO CITY – Wagi ang isang tserman na tumakbo sa katatapos na halalan sa pamamagitan ng bunutan.

Karaniwang nangyayari ang mga ganitong tagpo kapag parehong nakakuha ng pantay na boto ang dalawang magkaribal sa isang posisyon.

Pinangasiwaan ni Cotabato City Election Officer Norpaisa Paglala Manduyog ang “draw lots” para matukoy kung sino ang uupo bilang bagong tserman ng Barangay Rosary Heights 3 matapos magkamit ng 997 boto ang magkabilang kandidato, sina Sukarno Utto at Omar Pasawilan.

Sinabi ni Manduyog na isinagawa ng electoral board ang bunutan sa harap ng mga kandidato at media upang maiwasan ang mga haka-haka ng dayaan.

Sinaksihan nina Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, Cotabato City PNP Director Col. Querubin Manalang Jr., Bangsamoro Free Election Movement at Media, ang bunutan na ginanap dakong alas-3:30 ng hapon. sa Cotabato City Central Pilot Elementary School.

Tumalon si Pasawilan nang iproklama siyang nagwagi, habang si Utto, na halatang natigilan, ay tinanggap ang kanyang kapalaran nang walang sabi-sabi.

Niyakap siya ni Pasawilan nang maghiwalay sila ng landas. Santi Celario