MANILA, Philippines- Pinaiimbestigahan sa Commission on Elections (Comelec) ang kandidato sa pagka-kongresista sa Laguna dahil sa umano’y paglabag sa umiiral na Omnibus Elections Code ng bansa.
Ito ay matapos pormal na magsampa ng reklamong perjury ang kampo ni incumbent Gov. Ramil Hernadez at Congresswoman Ruth Hernandez sa tanggapan ng Comelec kasama ang kanilang abogado laban kay Cabuyao City Councilor Richard “Dondon” Hain nitong Enero 14.
Sinabi ni Hernandez na ilegal ang umano’y pangungumbinsi ni Hain kasama ang kapwa-akusado na patakbuhin sa mga posisyon sa pagka-kongresista at gobernador ang ilang ordinayong mga mamamayan sa kanilang distrito na may apelyidong Hernandez upang guluhin at lituhin umano ang mga botante.
Ayon kay Hernandez, nadiskubre nila ang anila’y panggugulo nang maghain ng certificate of candidacy ang ilang indibidwal sa ilalim ng kanilang pangalan na kalaunan ay naideklara naman ng Comelec na mga nuisance candidate.
Iginiit ni Hernandez ang integridad at importansya ng eleksyon kung saan nakasalalay ang kinabukasan ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden