Home NATIONWIDE Kandidato sa pagka-vice mayor sa Isabela kinasuhan ng Comelec

Kandidato sa pagka-vice mayor sa Isabela kinasuhan ng Comelec

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Commission on Election ang isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa Isabela na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya matapos siyang padalhan ng subpoena.

Nitong Biyernes, kinasuhan ng Comelec sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Manila City Prosecutor si Isabela vice mayoralty bet Jeryll Harold Respicio dahil sa kanyang social media post kung saan sinasabing kaya niyang manipulahin ang resulta ng Eleksyon 2025.

Pinirmahan ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco , ang kinatawan ng task force ang reklamo laban kay Respicio.

Sa isa pang video ni Respicio, sinabing mayroong backdoor programs upang i-override ang Automated Counting Machines at ipinakita kung paano ito magagawa.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang buong proseso at integrdad ng halalan ang tinitira ni Respicio.

Sa isang pahayag, sinabi ni Respicio na kinasuhan siya dahil inilahad niya ang kahinaan ng election machines.

Dahil sa kanyang naging pahayag, inihayag ni Garcia na maghahain din ang KKK ng disbarment case sa Ingtegrated Bar of the Philippines (IBP) gayundin sa Professional Regulation Commission (PRC) para tanggalan din ng lisensya si Respicio bilang accountant.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Garcia ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon online.

Sa isang hiwalay na panayam, binatikos ni Garcia ang mga pahayag ni Respicio, na nagsasabing ang respondent ay maaaring magkaroon ng “hindi pagkakaunawaan o non-understanding” sa proseso ng pagpapadala ng mga election returns. Jocelyn Tabangcura-Domenden