MANILA, Philippines – Pinakakansela ang certificate of candidacy ng ngayon ay nakakulong na si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa material misrepresentation.
Sa 7 pahinang petisyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec) ni Labor leader Sonny Matula at ng Workers’ and Peasants’ Party (WPP), ang nominasyon ni Quiboloy bilang kandidato ng WPP ay “walang katotohanan at legal na batayan at, ang kanyang CONA, ay ginawa ng mga hindi awtorisadong tao.
Iginiit din ng WPP na ang kontrobersyal na lider ng relihiyon ay hindi miyembro ng partido o guest candidate.
Ang petisyon laban sa kandidatura ni Quiboloy ay matapos na pinirmahan umano ni Matula ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) nito bagay na itinanggi naman ng Labor leader.
Dagdag pa, sinabi ng WPP na si Quiboloy ay “pinagsasamantalahan lamang ang proseso ng elektoral bilang isang smokescreen para ilihis ang atensyon mula sa mabibigat na kasong kriminal na kanyang kinakaharap.
Samantala, naghain din ng petisyon ang kampo ni Quiboloy na pinadedeklara si Matula bilang nuisance candidate. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)