Home NATIONWIDE Kapabayaan sa Tokyo runway collision inaalam ng pulisya

Kapabayaan sa Tokyo runway collision inaalam ng pulisya

JAPAN – Iimbestigahan ng pulisya kung may professional negligence ba ang nangyaring banggaan sa pagitan ng isang airliner at mas maliit na eroplano sa Tokyo airport.

Matatandaan na nagliyab ang Japan Airlines (JAL) Airbus A350 matapos makabangga ang De Havilland Dash-8 Coast Guard turboprop pagkalapag nito sa Haneda airport nitong Martes ng gabi, Enero 2.

Ligtas naman ang lahat ng 379 sakay ng eroplano ng Japan Airlines.

Samantala, lima sa anim na crew ng Coast Guard ang nasawi. Reresponde sana ang mga ito sa lindol na tumama naman sa kanlurang bahagi ng bansa.

Sinabi ng aviation experts na ang banggaan sa runway, na dati ay matinding problema sa mga paliparan, ay nabawasan na dahil sa modern ground tracking technology at mga pamamaraan.

Sa pahayag ng Japan Airlines, kinilala ng aircraft at inulit pa nila ang landing permission mula sa air traffic control bago ang aktwal na paglapag.

Ayon sa air traffic control recordings, ang eroplano ng JAL ay “cleared to land” ng 1745 local time, o ilang minuto bago naganap ang banggaan.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Coast Guard sa eksaktong pangyayari, kabilang na ang mga tanong kung bakit nasa runway ang eroplano at kung ito ba ay nakahinto o umaandar nang mangyari ang insidente. RNT/JGC

Previous articleNPA wala nang aktibong guerilla fronts
Next articleNTF-ELCAC sa mga rebelde: Sumuko na, magbagong-buhay ngayong 2024