Home OPINION KAPAG ISKALAWAG TANGGALIN AGAD

KAPAG ISKALAWAG TANGGALIN AGAD

PARA malinis nang mabilis ang hanay ng pulisya sa kamay ng mga iskalawag, magandang sa firtst offense pa lang, eh, sibakin na sila sa serbisyo.

Pero hindi lang dapat sila sibakin kundi patawan sila ng parusang kriminal gaya ng pagkakulong.

Walang puwang ang mga iskalawag sa pulisya na siya pa namang isa sa mga pinakamukha ng pamahalaan sa harap ng mga mamamayan.

Bawat kilos ng mga iskalawag, hindi lang mantsa sa dangal ng Philippine National Police ang nagaganap kundi nagbubunga ito ng pagkawala ng tiwala, respeto at pagmamamahal at takot ng mga mamamayan sa pulisya at maging sa pamahalaan.

At kung mangyari ito, paano makararamdam ang mga mamamayan ng mapayapa at maayos na pamumuhay?

Paano kung malayo ang loob ng mga mamamayan sa pamahalaan?

ANG HULIDAP

Tinatalakay natin ang pulisya kaugnay ng naganap ng hulidap sa Las Piñas City nitong nagdaang mga araw.

Sa pinakahuling ulat mismo ni National Capital Region Police Office director Maj. Gen. Anthony Aberin, walong pulis ang direktang sangkot sa hulidap sa isang nagosyanteng Tsino.

Binubuo ang mga pulis ng apat na staff sergeant, dalawang corporal at two patrolman.

Rason ng mga pulis, pumunta sila sa lugar ng negosyante para arestuhin ito sa bisa ng warrant of arrest ngunit pagdating doon, kinulimbat ang mga pag-aari ng biktima.

Ayon mismo kay Aberin, umabot sa P85 milyong cash, alahas at iba pa ang tinangay ng mga iskalawag.

Bukod umano sa 27 milyong cash, kasama sa ninakaw ang US$430,000; 110,000 Malaysian dollar; Gucci bag; Chinese Id card at bank card; iPhone 13; iPhone12; Bulgari necklace na nagkakahalaga ng P300,000; 3 pirasong Rolex ladies’ watch na may halagang P3M; 2 Audemars Piguet men’s watch (P8M); 600gramong gold bar; 6 gold bracelets (P1M); at 20 gold longevity locks (P2M).

May hawak ang mga iskalawag na P12M at sinabing pinansuhol umano sa kanila iyon ng negosyante pero iba ang sinasabi ng biktima.

Ganyan katindi, mga Bro, ang ginawa ng mga pulis.

Sa mga pinakahuling pangyayari sa hulidap na naganap sa Las Piñas City, sinasabing sinampahan na nang kaukulang kaso ang walong pulis na kasapi ng Eastern Police District.

SINIBAK NA SILA NOON

Dati palang miyembro ng Mandaluyong police ang mga hulidap na ito at sinibak umano sila sa mga kasong robbery-extortion.

Pagkatapos itinapon sila sa Eastern Police District pero hindi nagbago ang mga ito at ipinagpatuloy nila ang kanilang kriminal na gawain.

Mula rito, paano sila nananatili bilang mga pulis samantalang nasangkot na pala sila noong sa robbery-extortion?

Hindi ba sila nasampahan ng kasong robbery-extortion noon?

Sa mga kasong ganito, lumalabas na kapag convicted sila sa kasong kriminal, umaabot ang pagkakulong nila sa lagpas sa walong taon.

Kung administratibo naman, masisibak sila sa pagkapulis.

Bakit lumalabas na hindi sila nasampahan ng kaso?

Sino ang dapat na managot sa ganitong kalagayan?

SINO-SINO SILA?

Kung seryoso ang pulisya sa paglilinis ng kanilang hanay mula sa mga iskalawag na ganito, dapat silang pangalanan sa publiko.

Nakalulungkot lang isipin na hanggang ngayon, hindi inilalabas ng mga awtoridad ang ngalan ng mga ito.

Hmmmm! Bakit kaya?