Home OPINION MOTORNAPPER, KAWATAN, HOLDAPER DUMARAMI SA BULACAN

MOTORNAPPER, KAWATAN, HOLDAPER DUMARAMI SA BULACAN

ALAM ba ninyong dumarami ang reklamo ukol sa mga motornapper, kawatan at holdaper sa Bulacan?

Sa isang miting ng mga magkakaeskwela para maghanda para sa kanilang reunion ngayong darating na Semana Santa at dinaluhan ng pitak na ito, nagsilabasan ang takot sa parte ng mga kababaihan sa nasabing mga kriminal.

Ikinukwento nila kung paano pumapasok sa mga interior na kalsada ang ganitong mga kriminal at bumibiktima ng hindi lang mga lalaki kundi sa mga babae.

Ang isa umanong gawa ng mga motornapper ay sipain ang driver ng tumatakbong motor saka nila tangayin ang sasakyan.

Takot na takot ang mga kababaihan dahil sila mismo ay nagmomotor na rin, kasabay ng mga kalalakihan.

Madalas namang isinasagawa ang holdap sa kalagitnaan ng gabi at kapantay ng mga babae ang mga lalaki na hinoholdap.

Panay rin ang reklamo nila sa mga nagnanakaw sa mga sari-sari store.

Kung ano-ano lang umano ang tinutungkab ng mga magnakaw para makapasok sila sa mga sari-sari store at manglimas ng mga pinagbentahan at mga laman ng mga tindahan.

Hindi kwento-kwento lang ang sumbong ng mga magkakaeskwela dahil sila o kanilang mga kamag-anak mismo ang mga biktima.

Ang masama, mga Bro, hindi naiisip ng mga biktima ang magsumbong sa pulisya, lalo na ang mga hinoholdap at ninanakawan at sapat nang hanggang barangay lang sila.

Tanging ang mga nananakawan ng mga motor ang nakaabot sa pulisya.

Ang malaking dahilan ng hindi pag-report sa pulisya ay kung hindi nila nakikilala ang mga motornaper, holdaper at kawatan dahil wala naman daw nagagawa ang mga pulis.

Hanggang blotter lang umano ang mga pulis.

At nawawalan umano sila ng gana ng mag-report sa pulis dahil pagdating sa mga nakawan o holdap, inaalam ng mga pulis ang halaga na natangay sa kanila at kung maliit na halaga, pinababalik sila sa barangay at doon na lang magsumbong.

Paano kaya malulutas ang mga krimeng ganito sa ilalim ng kahinaan ng sistemang pangkatarungan?