
MAINGAY na naman. E kasi nga, halalan na. Kaliwa’t kanan ang kampanya ng mga kandidato.
Masaya ang mga tao, lalo ang ilang negosyo, partikular ang mga may pagawaan ng t-shirts, tarpaulin, printing press, ballers at kung ano-ano pa.
Kaliwa’t kanan din ang pamimigay ng pera ng mga politiko, na kunwari ay ayuda. May palihim ang abutan at may garapalan.
Ganyan talaga. Sari-sari ang gimik ng mga kandidato para sila ay manalo. May nagbabatuhan ng putik o nagsisiraan.
May nagpapatawa, hindi naman kalbo at may nagpapatawa, kahit makabastos na ng babae sa pananalita sa entablado.
Mayroon din namang seryoso na talagang inilalatag ang kanyang mahusay na plataporma. Pero ilan lang sila, karamihan ay bolero na.
Kaya marami na sa Pilipino ang halos walang interes bumoto. Sabi nila, pareho-pareho lang naman ang mga kandidato na puro pangako pero kapag nanalo na ay wala nang kakilala.
‘Yun bang kapag nahalal na, wala nang pakialam. Ang iba ay pagnanakaw na ang gagawin para mabawi ang ginastos sa kampanya.
Ang lupit hindi ba? Napakanegatibo ng ganitong pananaw. May mapagkakatiwalaan pa ba sa kanila?
Sabi ko nga, marami pang matitinong pulitiko. Huwag tayo mawalan ng pag-sa para sa ikaayos ng ating bansa.
Kailangan pa rin nating magtungo sa ating mga presinto upang ihalal ang mga nais o mga nasa puso nating kandidato.
Hindi natin puwedeng isantabi ang karapatan nating bumoto para sa kinabukasan ng lahat at ng ating bansa.
Ang importante ay huwag basta ipamigay o ibenta ang iyong boto.
Ang boto mo ay katumbas ng iyong dignidad.
Kung nagpabayad ka sa isang kandidato para iboto siya, ibig sabihin ay pumayag kang yurakan niya ang iyong dignidad.
Ibabasura, aalipustahin at nanakawan ka lang niya kapag siya ay naupo sa poder na kanyang gusto.
Imbes ikayaman mo ang pagbebenta ng iyong boto sa kandidatong magnanakaw lalo ka lang maghihirap at siya naman ang mananagana.
Maging matalino sa pagboto. Ang boto mo ay maaaring maging bato na ipupukpok mo sa iyong ulo at pagsisisihan sa hinaharap.