MANILA, Philippines – Iginiit ng Supreme Court (SC) na ang mga korte ay hindi obligadong sundin ang mga kasunduan sa parental custody kapag hindi ito ang nasa “best interest” ng bata.
Sa desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagbigyan ng Second Division ng Korte Suprema ang petisyon nina Jeffrey Rosacay Empuerto at ng kanyang mga magulang (mga petitioner) at ibinalik ang kaso muli sa Family Court para sa tamang paglilitis.
Ang kustodiya ay ibinigay ng Korte sa mga petitioner, na may aktwal na pangangalaga sa bata, habang ang kaso ay nananatiling nakabinbin sa Family Court.
Taong 2013 nang magkaroon ng anak sina Jeffrey at Sheena Olpoc Cabrillos. Matapos manirahan sa bahay ng pamilya ni Jeffrey sa Davao City, naghiwalay ang mag-asawa. Inilipat ni Sheena ang bata sa bahay ng kanyang mga magulang sa Cotabato City, habang nasa bahay naman ni Jeffrey ang bata tuwing bakasyon.
Noong 2020, napatagal ang pagbisita ng bata kay Jeffrey dahil sa COVID-19 lockdown. Pero kahit na tinanggal ang mga restriction, tumanggi si Jeffrey na ibalik ang bata kay Sheena. Sa kabila ng pagsisikap ng mga pulis at isang social worker, pinili ng bata na manatili kay Jeffrey.
Kalaunan ay pumirma ang mga magulang sa isang kasunduan sa barangay na nagsasabing ibabalik ni Jeffrey ang bata pagkatapos ng school year noong Abril 2021. Pero hindi pa rin sumunod si Jeffrey kaya si Sheena ay nagsampa ng reklamo sa pulisya at petition para sa writ of habeas corpus sa Family Court.
Naglabas ang Family Court ng writ na nag-utos sa mga petitioner na humarap at dalhin ang bata sa korte. Sa pagbabalik ng writ, ang hukom ay nagsagawa ng closed-door conference kasama ang mga magulang lamang, na sumang-ayon na si Sheena ay magkakaroon ng kustodiya sa bata sa Hulyo 2021. Sa isang order, pinagtibay ng Family Court ang kanilang kasunduan at winakasan ang kaso.
Pero tumutol ang mga petitioner at iginiit sa hukuman na dapat ito na nagsagawa ng isang buong paglilitis upang matukoy ang “best interest” ng bata.
Umapela sila sa Court of Appeals, na sumang-ayon na muling buksan ang kaso pero pinanindigan pa rin ang kasunduan ng mga magulang bilang isang provisional custody arrangement.
Nagpasiya pabor sa mga petitioner ang Korte Suprema na ang petisyon para sa habeas corpus sa mga kaso ng kustodiya ay naglalayong tukuyin kung sino ang may nararapat na kustodiya at hindi lamang para masiguro ang pagharap ng bata sa korte.
Dapat na maingat na isaalang-alang ng mga hukuman sa paglilitis ang kabuuan ng mga pangyayari at ibigay lang ang kustodiya kung:
• ang petitioner ay may legal na karapatan sa kustodiya;
• ang bata ay inilalayo sa kanila ng kabilang partido; at
• ang makasama ang petitioner ay para sa best interest ng bata.
Sinabi ng Korte na nabigo ang Family Court na suriin ang mga salik na ito at umasa lang sa kasunduan ng mga magulang nang hindi nagsasagawa ng case study o inalam ang kakayahan ng mga magulang. Teresa Tavares