Home TOP STORIES Kapaskuhan damang-dama na sa Navotas

Kapaskuhan damang-dama na sa Navotas

232
0
Opisyal ng binuksan ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang pag-papailaw sa higanteng christmas tree na pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco kasabay ng fireworks display na sinaksihan ng mga namamasyal sa Navotas City Walk at Amphitheatre. JOJO RABULAN

Pormal na binuksan ng Navotas ang kapaskuhan sa pamamagitan ng pagpapailaw ng higanteng Christmas tree at makulay na fireworks display sa Navotas Citywalk at Amphitheatre noong Nobyembre 20, 2025.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Rep. Toby Tiangco ang seremonya, na sinabayan ng ribbon-cutting para sa Navotas Christmas Bazaar kung saan tampok ang 35 lokal na negosyante at maliliit na negosyo.

Bahagi rin ng selebrasyon ang pagpapakilala at sashing ceremony ng opisyal na kandidata para sa Mutya ng Navotas 2026.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Tiangco ang kahalagahan ng pagkakaisa at pasasalamat ngayong panahon ng kapaskuhan.

“Taon-taon, inaabangan natin ang Christmas tree lighting. Paalala ito na sa kabila ng hamon, marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Nawa’y yakapin natin ang diwa ng Pasko—pagmamahalan, pagkalinga, at pagkakaisa,” aniya.

Para naman kay Rep. Tiangco, ang Pasko sa Navotas ay higit pa sa dekorasyon.

“Ang Pasko sa Navotas ay pagbibigay-pag-asa. Nawa’y magsilbing paalala ang ating mga programa na kaya nating harapin ang anumang pagsubok kung sama-sama,” pahayag niya.

Kasabay ng pagdiriwang ng kapaskuhan, ipinagdiwang din ng lungsod ang magkasanib na kaarawan ng dalawang opisyal sa pamamagitan ng iba’t ibang community-centered activities na nagtipon ng mga residente mula sa iba’t ibang barangay.

Kabilang dito ang 5th Project Angel Tree ng Department of Labor and Employment at Navotas Tripartite Industrial Peace Council, kung saan 100 child laborers at kanilang pamilya ang tumanggap ng grocery packs at school supplies.

Idinaos naman ng City Tourism Office ang Hataw Sayaw: A Fusion of Modern and Traditional Dance Competition bilang paggunita sa ika-31 Foundation Anniversary ng Navotas Polytechnic College. Dinaluhan ito ng mga estudyante, guro, at mga miyembro ng komunidad na nagdiin sa papel ng kolehiyo sa pagtataguyod ng kulturang lokal at youth engagement.

Namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng mga tool kits sa mga nagtapos sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute: 59 Massage Therapy graduates at 82 Refrigeration and Air-Conditioning Servicing completers ang tumanggap ng kanilang kagamitan upang masuportahan ang pagsisimula o pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Sa ilalim ng programang Wish Kay Juan, 60 benepisyaryo ang nabigyan ng livelihood packages na angkop sa napili nilang income-generating activities para makatulong sa pagkita ng kanilang mga pamilya at pagpalakas ng kanilang kabuhayan. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here