Tangan at pasan-pasan ang Imahe ng Munting Jesus ay
hindi maubos ang pila ng residente ng TONDO upang pabasbasan ang Sto. Nino. Ito ay tradisyon matapos ang Fiesta Mass sa Holy Child Parish Church.May mga munting paslit din na binihisan mala Sto. Nino. Crismon Heramis
MANILA, Philippines – Walang anumang naitalang untoward incident sa naging pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila.
Sa ginanap na 30 misa, dinagsa ng mga deboto ang Minor Basilica and Archdiocesan Shrine of Santo Niño de Tondo.
Sa datos ng MPD, pumalo sa tig-8,500 ang pinakamataas na bilang ng mga deboto na dumalo sa misa ng alas-6:00 at alas-7:00 ng gabi.
Umabot naman sa 218 indibidwal ang nabigyan ng tulong medikal ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Medical Response Team, katuwang ang mga volunteers sa kapistahan ng Sto. Niño de Tondo.
Tumulong din ang mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare upang tumugon sa mga nangangailangan ng tulong.
Dalawang araw na nakatutok ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa nasabing kapistahan upang matiyak ang kaligtasan, agarang pagtugon sa mga insidente, at maayos na pag-aasikaso sa mga deboto na dumalo sa aktibidad at misa sa Sto. Niño de Tondo Church gayundin sa Sto. Niño de Pandacan Church.