MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng isang Obispo ang karumal-dumal na pagpaslang kay Roselyn Gaoiran ng Tubigon, Bohol.
Hinimok ni Bishop Alberto Uy ang mga awtoridad na magsagawa ng malawakang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
Unang iniulat na nawawala si Gaoiran noong Abril 3, na nagtatrabaho bilang kahera ng isang LPG Tank dealer sa bayan ng Tubigon.
Makalipas ang halos dalawang linggong paghahanap, natagpuan ang bangkay ni Gaoiran noong Abril 15 na nakasilid sa sako sa Brgy. Cansuaguit, Loon Bohol.
Dalangin ni Bishop Uy ang kahinahunan at katatagan ng loob sa mga naiwang pamilya ni Gaoiran sa malaking pagsubok na kinakaharap gayundin ang pakikiisa at suporta sa paghahangad ng katarungan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ang Philippine National Police sa Bohol upang matukoy ang mga salarin sa krimen habang nasa kustodiya ang employer ni Gaoiran na itinuturong person of interest.
Noong 2023, iniulat ng Bohol Provincial Police Office ang bahagyang pagtaas ng limang porsyento ng krimen sa Bohol mula sa 4,485 total crimes noong 2022 umabot ito sa 4,746.
Una nang nabahala si Bishop Uy sa muling paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa lalawigan na maaaring magbunga ng iba’t ibang krimen kung magumon ang mamamayan sa paggamit nito.
Apela ng Obispo sa mamamayan na magkaisang kumilos para itaguyod ang mapayapa at makatarungang lipunan. Jocelyn Tabangcura-Domenden