Home METRO Karpintero pinalakol sa ulo ng senglot na utol, dedbol!

Karpintero pinalakol sa ulo ng senglot na utol, dedbol!

NAGUILLAN, Isabela – Sinalubong na ni kamatayan ang isang karpintero matapos siyang palakulin sa ulo ng kanyang sariling kapatid sa Brgy. Villapaz, Naguilian, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Ferdinand Datul, hepe ng Naguillan Police Station kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang biktima ay kinilalang si Jimmy Lobendino, 36-anyos, may asawa, isang karpintero, at residente sa lugar habang ang suspek ay ang mismong kapatid nito na si Alyas Mario.

Batay sa pagsisisyasat ng pulisya, bago ang insidente ay nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang bayaw, nang makaubos na ang mga ito ng tatlong bote ng alak ay dito na nagkaroon ng  pagtatalo ang magkapatid.

Sinubukan naman silang awatin ng kanilang bayaw subalit nagawa ng suspek na makakuha ng palakol at saka hinataw ang ulo ng biktima na naging sanhi ng agaran niyang pagkasawi.

Napag-alaman din sa pagsisisyasat na nakatira lamang sa iisang bahay ang magkapatid at hindi ito ang unang pagkakataon na nagtalo ang magkapatid  habang nasa impluwensya ng nakalalasing dahil madalas umanong magwala ang biktima tuwing nakakainom.

Wala naman silang makitang malalim na alitan ang dalawa at marahil ay dala lamang ng kalasingan kaya nagawa ng suspek ang karuma-dumal na krimen.

Kusang sumuko naman ang suspek sa kanilang punong barangay na siya namang nagpasakamay sa himpilan ng pulisya.

Agad din sinampahan ng kaso ang suspek. Rey Velasco