MANILA, Philippines- Namatay ang lalaking hinihinalang kasabwat ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid sa pagsisilbi ng arrest warrant sa Lipa City, Batangas nitong Linggo.
Inisyal na kinilala ng mga pulis bilang si alyas Orly, sinasabing ang lalaking ito ang indibdiwal na kinausap ni Escorial hinggil sa planong pagpatay kay Lapid.
Sa police raid, pinaputukan ng mga operatiba si alyas Orly, na nagkulong sa isang silid sa bahay na nirerentahan ng kanyang pamilya.
Nagtungo si alyas Orly sa palikuran at doon binaril ang sarili.
Kalaunan ay kinilala ng mga pulis si alyas Orly bilang si Jake Mendoza, 40-anyos.
Nauna nang naaresto si Mendoza noong Nobyembre 2020 at nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Sinabi ni Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr., National Capital Region Police Office (NCRPO) director, bumuo umano ang kapulisan ng manhunt operation anim na buwan na ang nakalilipas matapos silang makakalap ng impormasyon.
“Nung sine-serve natin ang warrant of arrest, dahil alam nating armed and dangerous siya (Mendoza), we employed ‘yung SWAT ng CALABARZON. Hindi siya sumuko,” pahayag ni Nartatez sa isang panayam.
“In fact, hinostage niya ang kanyang live-in partner at kanyang anak,” patuloy niya.
Inihayag din ni Nartatez na makatutulong sana ang testimonya ni Mendoza sa pag-usad ng kaso.
“Nagkaroon muna ng negotiation dahil nakita natin andun yung mag-ina niya sa loob. Nang lumiwanag, hiniling ni alias Orly na makausap ang isang barangay official at kaanak nito na taga- Laguna, na pinagbigyan ng mga pulis,” ani Nartatez sa isa pang ulat.
Batay sa NCRPO, inabot ng tatlong buwan bago natunton si Mendoza.
Nilalayon din ng manhunt operation na arestuhin ang magkapatid na Dimaculangan na namataang kasama ni Mendoza noon sa Batangas.
“Meron pang dalawa, yung Dimaculangan brothers, as well as yung iba pang charged in this case yung kay General Bantag. Kung sumuko lang siya nang maayos, mabibigyan natin ng mas malinaw, kasi he will be telling kung mag-cooperate siya,” pahayag ni Nartatez.
Patay si Lapid matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo noong Oktubre 2022 sa Las Piñas City.
Sinintensyahan ng Las Piñas court si Escorial noong Mayo 2024 ng hanggang 16 na taong pagkakakulong dahil sa krimen. RNT/SA