MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na sapat na ang kasalukuyang mga alituntunin sa kalusugan upang maprotektahan ang publiko mula sa mpox outbreak.
Batay sa African Centers for Disease Control and Prevention, mayroong higit sa 17,000 hinihinalang kaso ng mpox sa 13 bansa sa Africa .
Hindi bababa sa 500 pagkamatay ang naitala rin.
Mula nang muling ideklara ng World Health Organization ang mpox bilang isang public health emergency of international concern dahil sa isa pang pagsiklab ng sakit sa Africa, Sweden at Pakistan ay nag-ulat din ng mga kumpirmadong kaso.
Sa Pilipinas, sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na nanatili sa siyam ang kabuuang caseload ng mpox.
Apat sa mga kasong ito ang nakita noong 2022, at lima pa ang naiulat noong nakaraang taon.
Ayon kay Domingo, natukoy ang kaso ng mpox sa bansa noong Disyembre 2023.
Sinabi ni Domingo na hindi na kailangang maglabas ng bagong guideline laban sa mpox.
Naglabas ang DOH ng memorandum noong 2022 hinggil sa pamamahala ng mpox, kabilang ang mga alituntunin sa screening at isolation.
Sinabi ni Domingo na ang kanilang koordinasyon sa Bureau of Quarantine, na kasalukuyang nagbabantay laban sa pagpasok ng sakit sa bansa, ay patuloy.
Noong Hunyo, pinabulaanan ng DOH na isang indibidwal mula sa Central Visayas ang namatay dahil sa mpox, at binigyang diin na wala sa siyam na kaso ang namatay dahil sa sakit na dulot ng monkeypox virus.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng mpox ay kinabibilangan ng skin rash o mucosal lesions, lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at namamagang lymph nodes.
Idineklara ng WHO noong Hulyo 2022 ang mpox bilang isang public health emergency of international concern. Tinapos nito ang mpox emergency noong Mayo 2023.
Sinabi ni Infectious disease expert, Dr. Rontgene Solante na kailangang gumawa ng paghahanda ang gobyerno para sa pagkuha ng bakuna sa mpox. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)