MANILA, Philippines – Arestado ang isang kasambahay matapos umanong magnakaw ng mahigit ₱2.4 milyong cash at alahas mula sa kanyang employer sa Barangay Bagumbayan, Quezon City noong Mayo 26.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Angelica,” 31-anyos at residente ng Pasig City. Siya ay inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District Eastwood Station.
Ayon sa imbestigasyon, pumasok umano ang suspek sa kuwarto ng biktima bandang 4:30 p.m. at tinangay ang ₱1,002,500 na cash.
Kabilang din sa mga ninakaw ang limang pares ng hikaw na nagkakahalaga ng ₱820,000, apat na kuwintas na ₱300,000, isang bracelet na ₱220,000, at dalawang pendant na ₱70,000.
Natuklasan ng pulisya na inilagay umano ang mga ninakaw sa paper bag at ibinigay sa hindi pa nakikilalang lalaking kasabwat.
Nadiskubre kalaunan ng biktima ang pagkawala ng pera at alahas at kinompronta ang suspek, na umamin umano sa krimen.
Agad na iniulat ang insidente sa Eastwood Police Station, na nagsagawa ng follow-up operation at naaresto ang suspek bandang 11:30 p.m. sa parehong araw.
Hindi pa nababawi ng mga awtoridad ang nawawalang pera at mga alahas.
Mahaharap ang suspek sa kasong qualified theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Randy Glenn Silvio ang mabilis na aksyon ng mga pulis at hinikayat ang publiko na tumawag sa E911 o QC Helpline 122 sa oras ng emergency. RNT/MND